Pinatikim ng luto ni ‘Idol’ Catacutan ATTY. RODRIGUEZ GAME SA EXOTIC FOOD

NAKIPAGSABAYAN si Atty. Vic Rodriguez sa pagkain ng tinola sa iba pang mga bisita sa isinagawang ‘boodle fight’ sa Lot-Gar Farm Resort na matatagpuan sa 767 Arnedo Dike sa San Luis, Pampanga at pag-aari ng kilalang food vlogger na si ‘Idol’ Romeo Sagum Catacutan nitong nakaraang Labor Day, Mayo 1.

Pagdating ni Atty. Rodriguez sa lugar bandang alas-10:00 ng umaga, agad siyang sinalubong ng mga taong nakipagkamay at nagpakuha sa kanya ng mga litrato na pawang mga panauhin din ni Idol Romy Catacutan.

Habang nagluluto si Idol Romy ng tinolang palaka, pinagmamasdan ito ni Atty. Rodriguez kung paano niya niluluto ang kanyang putahe na kung tawagin ay ‘exotic food’.

Tinanong umano ni Idol Romy si Atty. Rodriguez kung kumakain ito ng tinolang palaka na paboritong niluluto ng kilalang food vlogger ng Pampanga.

Habang abala si Idol Romy sa pagluluto ng iba pang putahe ay inalok naman si Atty. Rodriguez ng dalawang lider ng simbahan para sa panalangin at upang basbasan siya ng Panginoon sa kanyang tatahaking karera bilang isang serbisyo publiko (senador).

Matapos ang pagluluto ni Idol Romy ng mga pagkain na kinabibilangan ng mga ulam na nilagang iba’t ibang native na gulay, buro, itlog na maalat, sinabawang dalag, pritong tilapia, inihaw na hito at tinolang palaka ay nagkaroon ng ‘boodle fight’.

Ang mga gulay, itlog, isda, manok at buro ay pawang nagmula o produkto mismo ni Idol Romy sa kanyang resort farm sa Barangay Santa Catalina sa bayan ng San Luis.

Lahat ng mga panauhin ni Idol Romy ay sabay-sabay na kumain, kasama si Atty. Vic Rodriguez na pinatunayan nitong kumakain siya ng tinolang palaka at gayundin sina Jon Baquiran, na national sales manager ng MET Food Corporation, at Jim ng MET din, na parehong nag-donate ng mga pagkain na kinabibilangan ng Lutosa Noisettes, Potato Balls, Lutosa Mashed Potato, Lutosa French Fries at shoestring.

Pagkatapos ng nasabing salu-salo, ipinakilala at inendorso ni Idol Romy sa kanyang mga panauhin na nagmula pa sa iba’t ibang lugar sa bansa si Atty. Vic Rodriguez na bukod sa matalino na ay magaling pang dating opisyal ng gobyerno (former executive secretary), kung kaya aniya, kinakailangang mailuklok si Atty. Rodriguez para sa kapakanan at benepisyo ng mga Pilipino.

Pinasalamatan naman ni Atty. Rodriguez si Idol Romy sa libreng pagpapakain nito at sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga panauhin ng naturang food vlogger. Kabilang sa mga ipinaglalaban ni Atty. Rodriguez na matuldukan na ay ang laganap na korapsyon sa gobyerno at pribadong sektor at pagpapababa ng ‘threshold’ ng plunder case mula sa dating P50 milyon ay gagawing isang milyong piso.

Babantayan din ni Rodriguez ang pagpasa ng taunang national budget para hindi pagmulan ng pangungulimbat at katiwalian ng mga mambabatas at iba pang ahensya ng gobyerno.

Isusulong din niya ang pantay-pantay na suweldo ng mga manggagawa mula sa Metro Manila at mga probinsiya dahil ayon sa kanyang pag-aanalisa, hindi siya naniniwala na mas mura ang pamumuhay sa mga lalawigan kumpara sa National Capital Region (NCR). Tulad na lamang ng mga produkto ng petrolyo at sardinas ay mas mahal ang presyo ng mga ito sa mga probinsiya dahil ang supply nito ay nagmumula pa sa Metro Manila.

(JOEL O. AMONGO)

52

Related posts

Leave a Comment