CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MATAGAL nang bahagi ng bokabularyong pampulitika sa Pilipinas ang salitang “balimbing.” Ito ‘yun kilalang bansag sa mga politikong kayang magpalit ng kulay, partido, at paninindigan depende sa ihip ng hangin ng kapangyarihan. Sa tuwing may bagong administrasyon, tila ba may migration ng mga halal na opisyal kaya lahat ay gustong mapunta sa mayorya at nakalimutan na ang ipinangakong prinsipyo sa taumbayan.
Kaya’t mahalagang pag-usapan ang panukalang nakabinbin ngayon sa House of Representatives na tinawag na House Bill 7914 o Political Party System Reform Act, na naglalayong wakasan ang “turncoatism” at palakasin ang sistema ng mga partidong pulitikal sa bansa. Inihain ito ng ilang mambabatas mula sa Liberal Party Bloc, at layon nitong gawing mas makabuluhan at maprinsipyo ang pag-iral ng mga partido.
Kung susuriin, ang ugat ng problema sa ating pulitika ay hindi lamang personalidad kundi ang kahinaan ng party system. Sa kasalukuyan kasi, mas nangingibabaw ang personalidad kaysa plataporma. Mas mahalaga kung sino ang malapit sa Malacañang kaysa kung ano ang paninindigan ng isang partido.
Nakalimutan na ang pamosong linya ng unang pangulo ng Philippine Commonwealth na si Manuel L. Quezon na “My loyalty to my party ends where my loyalty to my country begins”. Kaya malaki na rin ang pagbabago kung ihahambing mo ang mga dating mambabatas sa mga nanunungkulan ngayon.
Wala nang Jovito Salonga, Blas Ople, Claro M. Recto, at iba pa. Kaya sa social media, ganun na lang kung alipustain ang mga senador at kongresista ngayon.
Kapag ang isang halal na opisyal ay parang paru-parong dapo nang dapo kung saan-saan matapos mahalal, nalalabag ang diwa ng mandato ng botante. Ibinoto siya batay sa partidong kinabibilangan at sa mga prinsipyong kinakatawan nito. Ang pagtalikod dito ay maituturing na panlilinlang sa tiwalang ipinagkaloob ng mamamayan.
Kung maisasabatas nang maayos, maaaring maging simula ang Political Party System Reform Act sa paghubog ng mas matatag na demokrasya. Ang pagpapataw ng parusa sa “political butterflies” ay hindi simpleng paghihigpit kundi paglalagay ng pananagutan. Sa mga bansang may matatag na demokrasya, malinaw ang ideolohiya ng bawat partido at hindi basta-basta nakapagpapalit ng kulay ang mga miyembro nito nang walang konsekwensya.
Ngunit nararapat ding maging maingat. Ang reporma ay hindi dapat maging kasangkapan para supilin ang lehitimong dissent o ang makatwirang paglayo sa partidong lumilihis na sa ipinangako nitong prinsipyo. Kailangang malinaw ang mga probisyon tulad ng, kailan maituturing na turncoatism? Ano ang mga exemption? Paano poprotektahan ang kalayaan sa asosasyon na nakasaad sa Konstitusyon?
Panahon na upang gawing makabuluhan ang mga partidong pulitikal, hindi bilang pansamantalang sasakyan patungo sa kapangyarihan, kundi bilang institusyong nagtataguyod ng malinaw na adhikain at pananagutan.
Tingnan natin kung handa na ba ang mga politiko ngayon na talikuran ang kultura ng pagiging balimbing at baka ito na ang simula ng mas maprinsipyo at mas responsable nating demokrasya.
79 