KUMPIYANSA ang gobyerno na kaya nitong abutin ang 10 milyong target na COVID-19 test sa first quarter ng kasalukuyang taon.
Sinabi ni Testing czar at Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon, halos nasa 7 milyon na ang sumalang sa covid test at base sa kanilang pagtaya ay kaya namang makuha ang 10 million target test.
Sigurado aniya siyang darami pa ang mga datos ng mga isinasagawang testing ngayong tapos na ang holiday season na bahagyang bumagal dahil na rin sa nagdaang break.
“Ang last na lang po sa testing, nasabi na rin po ni Spox Harry, nasa 6.83 million na po ang test natin, halos 7 million na tayo and very confident po tayo na maaabot na natin sa loob ng first quarter ng 2021 ang sampung milyong target nating tests noong nakaraang taon,” ayon kay Dizon.
Malaki rin, ani Dizon ang magagawa ng kaaapruba lang na pooled testing para mapaakyat pang lalo ang mga sumasalang sa covid test sa mga susunod na araw.
Bukod dito, ayon sa testing czar, ang hinihintay na lang na approval para maikasa na rin ang pagsasagawa sa bansa ng Saliva test na bukod sa hindi masakit ay abot kaya pa ang halaga.
“Tuluy-tuloy pa rin po tayo sa mataas na testing natin at pipilitin pa nating pataasin iyan lalo na ngayon na approved na ang pooled testing at hopefully, sa mga susunod na araw at linggo, maa-approve na rin ang saliva test,” aniya pa rin. (CHRISTIAN DALE)
