CAVITE – Pinaghahanap ng Cavite Police ang anim na kalalakihan, kabilang ang isang pulis, matapos tangayin ang isang 44-anyos na ginang sa bayan ng Silang sa lalawigang ito, noong Hunyo 9, 2022
Kinilala ang biktimang si Gladys Bundalian Rodriguez, 44, tubong Tondo, Manila at residente ng Metrogate Silang Estate, Brgy. Adlas, Silang, Cavite
Tukoy naman ang isa sa mga suspek na si Jomar Villanueva, alyas
“Salem Guardian” ng Amparo Chapter ng Dapdap Amparo, North Caloocan City, habang inaalam ang pagkakakilanlan ng iba pang mga suspek na pawang may takip ang mukha nang isagawa ang krimen.
Ayon sa naantalang report ni Corporal Ramil Legaspi ng Silang Police Station, dakong alas-11:45 ng gabi noong Hunyo 9, 2022 nang mangyari ang insidente sa Blk. 260, Lot 18, Phase 2C, Metrogate Silang Estate, Brgy. Adlas, Silang, Cavite
Nabatid sa salaysay ng saksi na si Peejay Galanta, isang caretaker, inutusan siya ng isang Jozeldy Rodriguez na magtapon ng basura sa labas at habang inaabot ito sa basurero nang dumating ang isang puting Hyundai Starex van at bumaba ang apat na kalalakihan na armado ng baril, tinutukan siya hanggang sa makapasok ang mga suspek sa compound at dinukot ang biktima.
Nakilala si Villanueva dahil nagtanggal ito ng facemask at dahil sa tattoo sa kanang kamay.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang pagdukot sa biktima, inihayag ni Glaizel Bundalian Rodriguez, anak ng biktima, noong Disyembre 29, 2021, siya at live-in partner nito na si Adrian Pinto Manalo ay nakatakdang katagpuin ang kanilang financier pero pagsapit sa lugar sa Banawe, Quezon City, isang P/SSgt. Skyler Tomas Dela Rosa, nakatalaga sa Valenzuela City Police, (dati nilang financier) at Jomar Villanueva, ang sumalubong sa kanila.
Matapos tutukan ng baril, magkahiwalay silang tinangay at dinala sa Valenzuela City at sinabihan na magbayad ng kanilang utang.
At dahil ‘di sila makabayad ng utang, sinabihan siya ng police officer na maghanap ng financer habang nasa kustodiya ni Jomar ang kanyang live-in partner.
Matapos makakolekta ang mga suspek ng halagang P200 milyon, sinabihan sila na dadalhin sila sa Mindanao subalit nakatakas sila noong Enero 20, 2022 at nagtago sa Parañaque.
Nakapagtayo sila ng negosyo subalit noong Pebrero 07, 2022, natagpuan sila ng police officer at pinagbabayad ng P35 milyon. At dahil palagi silang pinagbabantaan ng police officer ay lumipat sila sa Silang, Cavite at noong Hunyo 9, 2022 ay tinangay ang kanyang ina ng mga suspek sa pangunguna ni Jomar.
Lumalabas din sa background check ng pulisya na si Gladys ay may alias warrant of arrest sa kasong qualified theft na inisyu ni Judge Zaldy Docena ng RTC Branch 170 sa Malabon City. (SIGFRED ADSUARA)
