SPORTS FEATURE Ni EDDIE ALINEA
NATULDUKAN man ang anim na taong pagkauhaw sa kampeonato nang makuha ang korona sa 2021 PBA Philippine Cup, hindi pa kuntento ang Talk ‘N Text Tropang Giga.
Simula noong makopo ang 2015 PBA Commissioner’s Cup, ngayong ika-46 season ng liga lang ulit nakatikim ng kampeonato ang TNT, kaya’t gusto nilang bumawi at kunin din ang titulo ng second conference kung matutuloy ito sa huling bahagi ng kasalukuyang taon.
Tulad ng kampanya para makamit ang ika-8 kampeonato para sa MVP (Manny V. Pangilinan) Group, inaasahang itutuloy ni coach Chot Reyes ang formula sa katatapos lang na All-Filipino Cup upang maibalik ang mga maliligayang araw ng prangkisa noong 2009 hanggang 2013, sa ilalim din ng kanyang mentorship.
Tatlong koponan ang pag-aari ng MVP Group sa PBA– TNT, Meralco, NLEX (North Luzon Expressway). Ngunit tanging ang mga Katropa ang nakapag-uwi ng pitong titulo mula noong mabili ni MVP ang prangkisa ng Mobiline taong 1990.
“As much as we want to savor this, we’re now looking forward to the next. On to the next, and I hope we can compete well again,” wika ni coach Chot makaraang talunin ng Tropang Giga ang Magnolia Hotshots, 4-1, sa kanilang best-of-seven final series.
Kung hindi magkakaproblema, sisimulan ng PBA ang import-laden Reinforced Conference sa ikatlong linggo ng Nobyembre. At batid ni coach Chot at kanyang Tropa na hindi magiging madali na ma-sweep ang season. “It could be an uphill battle because of the presence of top-caliber imports, the likes of Justin Brownlee (of the Ginebra Kings) and Allen Durham (of Meralco Bolts).”
Ang 2021 Philippine Cup ang pang-siyam na kampeonato ni coach Chot, na tinablahan ang rekord ni dati ring TNT coach Jong Ujichico.
Napantayan din ng 58-anyos na si Reyes ang anim na All-Filipino championship ng maalamat na si coach Baby Dalupan ng Crispa.
Nakamit ni coach Baby ang apat sa kanyang mga crown jewel sa Redmanizers at ang dalawa pa ay noong nasa Great Taste siya.
Nasungkit naman ni Reyes ang apat niyang PH Cup titles habang coach ng TNT, at tig-isa sa Purefoods at Coca-Cola sa magkasunod na taong 2011 at 2012. Kaya halos isang dekada ang nakaraan bago siya nakumbinse ni MVP na bumalik bilang bench tactician ng Tropang Giga.
