TATLONG OFW MULA RIYADH, LEBANON AT ­JEDDAH, NANAWAGAN SA DFA-OUMWA

TATLONG OFW mula sa ­Riyadh, Jeddah at Lebanon na pare-parehong nakabilanggo ang nagparating ng kanilang panawagan sa Department of Foreign Affairs – Office of the Undersecretary for Migrant ­Workers Affairs (DFA – OUMWA)

Sa pamamagitan ng kani-kanilang pamilya na humingi ng tulong sa AKOOFW na matulungan sana ang kanilang mga kaanak na makalabas ng kulungan at makauwi na sa bansa.

Una na rito ang mensahe mula kay Nanay Shirley Magon na humihingi ng tulong para sa kanyang anak na si Retchel Magon.

Ayon kay Nanay Shirley, apat na araw nang nakakulong ang kanyang anak sa isang jail sa ­Riyadh Saudi Arabia, kung kaya siya ay nakikiusap na matulungan ito para makauwi na sa Pilipinas.

Si OFW Retchel ay nakarating sa bansang Riyadh, Saudi Arabia sa pamamagitan ng kanyang ahensya na Ellisar Manpower Services Incorporated noong Pebrero 3, 2020.

Ang kasong ito na idinulog ni Nanay Shirley ay agad kong ipinarating kay Director Connie Marquez ng OWWA Oveseas ­Operation Division upang mabilis na maiparating sa ating masipag na Welfare Officer Racquel ­Kunting at pansamantalang ­mabigyan ng panganga­ila­ngan ang ating kababayan sa loob ng kulungan.

Sa ulat na ipinarating sa akin ni Director Connie Marquez, sinabi niya na ang kasong ito ni Retchel Magon ay kanila nang ipinarating sa Assistance To National Unit ng Philippine Embassy sa Saudi Arabia upang alamin ang totoong estado at kaso na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong.

Samantala, ipinarating din sa akin ang isang panawagan para mabigyan ng tulong si OFW Vilma Agcoili Aquio na kasalukuyan na nasa bansang Beirut, Lebanon.

Diumano si OFW Vilma ay pinagbintangan ng kanyang amo dahil sa pagnanakaw ng halagang isang libong dolyar na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong.

Agad ko itong ipinarating sa ating OWWA Director Connie Marquez upang makipag-ugnayan sa Philippine Embassy para sa ­karampatang tulong at aksyon para sa mabilis na pagresolba ng kaso ni OFW Vilma.

Ayon sa ipinadalang ulat sa akin ni Director Marquez ay nagkaloob na ng abogado ang Philippine Embassy sa Lebanon para ipagtanggol si OFW Vilma sa hukuman.

Binisita na rin ng mga kawani ng Philippine Embassy ATN Unit si OFW Vilma upang alamin ang kanyang tunay na kalagayan at para malaman ang kasong ­ibinibintang ng kanyang employer. Sa pinakahuling ulat na aking natanggap mula sa pamilya ni OFW Vilma ay nagpadala diumano ng mensahe ang employer nito na kung babayaran lamang ang halagang 1,000 dolyar ay kanila ng iaatras ang kaso laban kay OFW Vilma upang ito ay makauwi na lamang sa Pilipinas.

Ang AKOOFW ay nakatutok sa kasong ito ni OFW Vilma upang siya ay matulungan na makauwi na sa Pilipinas upang kanyang makapiling muli ang kanyang pamilya.

Samantala, nakarating din sa AKOOFW ang paghingi ng tulong ng kapamilya ni OFW Mariles Escobio. Si Escobio ay nakarating sa bansang Jeddah, Saudi Arabia sa pamamagitan ng Forza Global Services upang magtrabaho roon bilang kasambahay.

Sa sumbong na ipinarating sa akin, sinabi na si OFW Mariles ay nakatapos na ng kaniyang dalawang taon na kontrata.

Pero imbes na pauwiin ng kanyang amo, ay dinala ito sa kulungan. Labis-labis ang pakiusap ng pamilya ni OFW Mariles na siya ay matulungan na makalaya sa Dhahaban Prison sa lalong madaling panahon.

Ang panawagan na ito ay akin nang ipinarating kay OWWA Director Connie Marquez na siya namang nakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy-ATN unit.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong ­sumulat sa akin sa e-mail ­address saksi.ngayon@gmail.com o ­drchieumandap@yahoo.com.

187

Related posts

Leave a Comment