LALONG magpupuyos sa galit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang taumbayan kapag hindi nito natugunan ang lumalalang kahirapan at kagutuman sa bansa dahil mas pinapaboran nito ang mayayaman kaysa mga ordinaryong manggagawa.
Ginawa ng Gabriela sa pamamagitan ni Clarice Palce, secretary general ng grupo, ang pahayag kasunod resulta ng survey ng Pulse Asia kung saan nakapagtala ng pinakamataas na disapproval rating si Marcos.
“Numbers don’t lie: 66% disapprove of how Marcos Jr. handles inflation and 48% reject his wage record—the highest disapproval on record,” ani Palce.
Base aniya sa survey, tumaas ng 17% ang pagkadismaya ng mga Pilipino sa mababang sahod sa bansa habang 62% ang hindi nababahala sa hindi maawat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Nasa tipping point na tayo: kumakalam ang sikmura ng mamamayang Pilipino habang lumulobo ang bulsa ng malalaking negosyante,” dagdag pa ni Palce.
Magugunita na nireject ng Malacanang ang P200 legislative wage increase kaya hindi ito isinalang sa Bicameral conference committee.
Mas malala ang inaasahang resulta ng approval rating ng administrasyon sa susunod dahil isinagawa ang survey na ito bago inilunsad ang mga big time oil price hike na mas magpapataas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo publiko.
Patuloy na iginigiit ng grupo ng kababaihan ang pag-alis sa 12% Value Added Tax (VAT) ng lahat ng mga pangunahing bilihin, serbisyo publiko at maging ang mga produktong petrolyo at patawan ng mas mataas na buwis ang mga bilyonaryo sa bansa.
(BERNARD TAGUINOD)
