UPANG mapalakas ang kampanya ng pamahalaan laban sa tuberculosis at sakit sa bato, isinusulong ng isang mambabatas ang magkahiwalay na panukalang batas upang saklawin ang mga sakit na ito ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa pahayag, sinabi ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, chairman ng Senate committee on health and demography na layunin ng panukala na palakasin ang pambansang programa sa
pagsugpo sa TB at sakit sa bato.
“Sa ating kagustuhan na patuloy na palakasin ang ating public healthcare system, nagsumite po tayo ng mga bagong panukalang batas na magpapabuti sa ating mga programa sa paglaban sa TB
at kidney diseases,” sabi ni Go.
Inihain ng senador ang Senate Bill No. 1748 na naglalayong baguhin ang Republic Act No. 10767 na kilala bilang Comprehensive Tuberculosis Elimination Plan Act.
Ang panukala ay layong lumikha ng isang rehistro ng mga may TB at sistema na tutugon sa isyu ng underreporting ng mga kaso nito, isang problema na natukoy sa 2016 National TB Prevalence
Survey.
Itatala ng rehistro ang personal na impormasyon ng lahat ng mga pasyente ng TB, ang uri ng TB at natanggap na paggamot, bukod sa iba pa.
Nilalayon din ng panukalang batas na palawakin ang benepisyo ng PhilHealth para sa mga pasyente, matatanda at bata, isama ang saklaw ng multi-drug resistant tuberculosis at malawak na
gamot na lumalaban sa sakit na ito.
Noong 2019, ang Department of Health at World Health Organization ay naglabas ng magkasanib na panawagan na sugpuin ang nakahahawang sakit pagsapit ng 2030.
Ang isa pang panukalang batas ni Go, ang Senate Bill No. 1749, ay naglalayong tiyakin ang komprehensibong serbisyo sa pagpapalit ng renal replacement therapy ay magagamit sa lahat ng
Filipino na nagdurusa sa End-Stage Kidney Disease.
Pinalalawak nito ang pakete ng benepisyo ng PhilHealth para sa kidney transplant at pagkakaloob ng mga libreng serbisyo ng dialysis sa mahihirap na pasyente.
Iniuutos sa panukala na lahat ng pambansa, rehiyonal at pampublikong ospital ay magtayo ng sariling pasilidad sa serbisyo ng dialysis.
Tinataya ng National Kidney and Transplant Institute na isang Filipino ang nagkakaroon ng kidney failure bawat oras. Noong 2019, mayroong humigit-kumulang 78,000 Filipino na dumaranas ng end-stage renal failure at nangangailangan ng dialysis. (ESTONG REYES)
