PATULOY ang pagdami ng mga Filipinong atletang kakatawan sa bansa sa darating na XXXII Games of the Olympiad na nakatakdang ganapin sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9 sa Tokyo, Japan.
Walo na ang opisyal na magdadala ng pambansang watawat sa tuwing ika-apat na taong palaro na tinatawag ding “The Greatest Sports Show on Earth.” Ito ay matapos na ang baguhang rower na si Chris Nievarez ay hindi inaasahang nakapasa sa 2021 Asia-Oceania Continental Olympic Qualifiers ng kanyang sport na ginanap mismo sa Tokyo noong nakalipas na linggo.
Si Nievarez, isang ‘di kilalang miyembro ng Pambansang Koponan na ipinadala sa Tokyo para subukang makipagtagisan sa pinakamagagaling na mananagwan buhat sa iba’t ibang bansa ang pang-walong Filipinong nakalusot sa Olympic qualifiers.
Sasamahan ng 21-anyos na rower na tubong Atimonan, Quezon ang mga nauna nang nag-qualify na sina pole vaulter EJ Obiena ng athletics, world champion gymnast Carlos Yulo, 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ng weightlifting, at Eumir Marcial, Carlo Paalam, Nesthy Petecio at Irish Magno ng boksing.
Aywan kung ikaliligaya natin o ikalulungkot ang ulat na nalaman lamang ni Chris na siya’y kuwalipikado nang lumahok sa Olimpiyada nang siya at ang kanyang mga kasama sa koponan ay nakarating na sa Maynila at sumasailalim na sa 14-araw na quarantine dala ng COVID-19 pandemic.
Ibig lang sabihin, wala marahil ni isang opisyal ng Philippine Rowing Association na may alam sa panuntunang teknikal sa sport na kanilang kakatawanin ang nakasama sa biyahe, o kung paano makapapasok ang isang mananagwan sa Olimpiyada kahit hindi nakalusot sa qualifying tournament.
Kalimitang nangyayari ito sa iba’t ibang delegasyon na ipinadadala ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission para katawanin ang bansa sa mga pandaigdigang palaro tulad ng Olimpiyada, Asian Games, Southeast Asian Games at iba pang malalaking global competitions.
Nakatapos si Nievarez na pang-siyam sa men’s single sculls qualifier, na ayon sa alituntunin ay labas sa unang limang mananagwang awtomatikong makapapasok sa nasabing event. Pero sa dahilang ang host na Japan at Iran ay nakuhang mawalis ang kanya-kanyang event, nabuksan ang pinto para ang mga mananagwang galing sa ibang bansa na natapos ng mula panlima pataas ay mabigyan ng puwesto sa Olimpiyada gaya ng nangyari kay Nievarez.
Ang pahayag ng International Rowing Federation na nakuha na nga ni Chris ang isang Olympic slot ay ipinadaan kay Jercyl Lerin, secretary general ng PRA at isa rin license umpire ng IRF na dapat sana’y sumunod sa Tokyo kung saan naghanda si Chris at mga miyembro ng Pambansang Koponan.
“Dapat tayong matuwa dahil mga tapat, maginoo at disente ang mga opisyal ng International Rowing Federation. Kung sa ibang pederasyon nangyari yun, malamang hindi na natin nalaman na isang “Filipino rower has, indeed, made it to the Olympic Games,” natatawang sabi ng dating long-time PRA president Benjie Ramos sa panayam sa kolumnistang ito.
Sangayon din si Ginoong Ramos sa suhestiyon na kung magpapadala ang bansa ng delegasyon sa sports competitions, dapat ay magsama ng isang technichal man na nakaaalam ng mga alituntunin sa sport na lalahukan. At dapat may kahit isang reporter din na kasama upang maiulat ng tama ang mga kaganapan sa kompetisyong sinalihan ng atleta, para maging patas ang trato sa naging performance niya.
Si Nievarez, halimbawa, ay lumahok sa open competition ng single sculls, isang event na mas mahirap kaysa dibisyon ng lightweight kung saan mas malakas siya dahil ito ang siyang talagang forte ng Filipino. Hindi ito naipaliwanag ng sumulat ng press release na isinalin ng mga Filipinong mamamahayag na walang isa mang nakasama sa biyahe.
“Walang lightweight event sa Olympics kaya napuwersa si Chris na mag-compete sa open category na unfamiliar sa kanya,” paliwanag ni Ramos. “Kung my lightweight sa Olympics at sa event na iyon lumaban si Chris, baka hindi lamang nag-qualify ang bata natin, baka nag-medal finish pa.”
Ganoon pa man, gaya ni Ramos, lubos din ang naging kaligayahan ni PRA president Patrick Gregorio, POC president Bambol Tolentino at PSC chair Butch Ramirez sa karangalang natamo ni Nievarez, na unang naging miyembro ng Pambansang Koponan noong 2016 sa edad na 15-anyos.
Pinutol ni Nievarez, Grade 12 student ng Commonwealth High School, ang dalawang dekadang pagkauhaw sa rowing ng bansa, mula nang si Benjie Tolentino ay katawanin ang Pilipinas noong 2000 Sydney Olympics. Una rito, ang kanyang coach na si Ed Maerina ang kumuha ng karangalan bilang kauna-unahang mananagwang Filipino na nakarating sa Olimpiyada, nang ang rowing ay napasa-kalendaryo ng Seoul Olympics noong 1988.
“Sobrang saya ko po, hindi ko maipaliwanag. Nagulat din po ako,” ani Nievarez nang nalaman na pasok na siya sa Tokyo Games, habang sumasailalim sa quarantine.
142
