SINALAKAY ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Intellectual and Property Rights Division ang isang unit sa tenement na ginawang bodega ng mga pekeng Vitamin C, sabon at mga pampaputi noong Biyernes sa Vitas, Tondo, Manila.
Ayon sa ulat ni NBI-IPRD Supervising Agent Dennis Aguatin, dumulog ang JPMC Health Care Product and Trading Corp., kumpanya sa Pasig City, at iniulat ang kumakalat na pekeng Vitamin C.
Sa report na nakarating kay NBI-Director Eric Distor, pasado 2:00 ng hapon nang salakayin ng mga tauhan ng NBI ang lugar at inaresto ang hindi pa pinangalanang mga suspek na inabutan sa tenement.
Ayon sa NBI, una silang nagsagawa ng surveillance operation at nang makakuha ng search warrant ay agad sinalakay ang lugar.
Nalaman na ang mga produkto na nasamsam ay walang permit mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Kabilang sa inabutan ng NBI sa tenement ay ang kahon-kahong Vitamin C at iba pang food supplements, mga sabon, kape at iba pang produkto na pampaputi ng balat. (RENE CRISOSTOMO)
156
