KINUMPIRMA ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na naihain na sa korte ang reklamong cyber libel na isinampa ni Senador Risa Hontiveros laban sa kanyang testigo na si Michael Maurilio, alyas Rene.
Sa ulat, sinasabing tumanggap umano si Maurilio ng ₱1 milyong piso bilang suhol mula sa senadora kapalit ng pagtestigo sa Senado.
Layunin umano ng umano’y bayad ang pagdiin sa mga kasong kriminal laban kina KOJC Founder Pastor Apollo Quiboloy, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at anak nitong si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Fadullon, isinampa ang reklamo noong Enero sa Pasay City Regional Trial Court.
Paglilinaw pa ni Fadullon, hindi kasama bilang respondent si Maurilio sa hiwalay na cyber complaint na inihain ni Hontiveros laban sa mga vlogger na nagpakalat ng video ng testigo sa social media.
Samantala, kinumpirma rin ni Fadullon na ibinasura ng panel of prosecutors ang reklamo ni Hontiveros laban kina Atty. Ferdinand Topacio at sa mga vlogger na sina Banat By, Jeffrey “Ka Eric” Celiz, Krizette Kiffy Chu, Jay Sonza, at Tio Moreno dahil sa kawalan ng prima facie evidence.
(JULIET PACOT)
19
