MAS mapapabilis na ang pagkuha ng mahahalagang impormasyon ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Batangas sa planong text blast system na binubuo ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Ayon sa DAR, layunin ng programa na agad maipadala sa mga benepisyaryo ang schedule ng opisina, status ng dokumento, anunsyo at iba pang updates kahit wala silang internet access.
Inilatag nina Doc. Geraldine Dimaculangan at Maria Cristina M. Ramos ang panukala kay OIC PARPO II Atty. John Erick M. Sawal kasama sina CARPO–PBDD Ma. Surallah Rabino at ARPO I Ehrlich Sandoval.
Kapag naipatupad, direktang makatatanggap ng text messages ang mga ARB lalo na ang nasa malalayong lugar upang hindi na sila mahirapang bumiyahe o mag-follow up sa tanggapan.
Naniniwala ang DAR na makakatulong ito upang makatipid sa oras at gastusin ng mga magsasaka habang pinapabilis ang serbisyo ng pamahalaan sa lalawigan.
(PAOLO SANTOS)
57 