AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
HINIKAYAT ni Caloocan City Rep. Egay Erice si Senate Blue Committee Chairman Panfilo Lacson na imbestigahan ang lumabas na isyu ng palitan ng text messages nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Usec. Adrian Bersamin.
Ayon kay Erice, kung gusto ni Senator Lacson na lumabas ang katotohanan at matumbok ang tunay na utak ng sindikato sa korupsyon sa pondo ng gobyerno, ay ipatawag niya si Usec. Bersamin.
Sinabi pa ng mambabatas, naniniwala siya na kailangang maimbestigahan ang ipinakita sa kanila ni Batangas Rep. Leandro Leviste na palitan ng text messages ng Pangulong Marcos at ni Usec. Bersamin.
Binanggit sa palitan ng text messages ng dalawa ang may kaugnayan sa delivery ng pera ni Bersamin kay BBM at ibang pinaggamitan nito.
Nabanggit pa sa usapan ng palitan ng mensahe ng dalawa, ang pagbayad sa performer at tulong sa mga kandidato ng alyansa noong nakaraang halalan.
Nagtataka kasi si Erice na sa tuwing nalalapit ang isyu ng koruspyon sa Palasyo ng Malacañang ay tila nagprepreno o tumitigil ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee.
Matatandaan na minsan nang idinawit ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ang pangalan nina Usec. Bersamin at Usec. Trygve Olaivar na tumanggap umano ng bilyun-bilyong pisong kickback na sinabing para kay BBM.
Maging sa isinagawang imbestigasyon kamakailan ng Senado ay binanggit din ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ang pangalan ni Usec. Olaiver na hinatiran niya ito ng pera.
Sa halip na ipatawag sa Blue Ribbon Committee si Usec. Bersamin ay sinabi pa ni Lacson na nagamit lamang ng dalawa (Bersamin at Olaivar) ang pangalan ni Pangulong Marcos para sa kanilang personal na interes.
Minsan nang ipinatawag sa imbestigasyon ng Senado si Olaivar kung saan ay itinanggi nito ang pagdidiin sa kanya habang pinanindigan naman ni Usec. Bernardo ang kanyang sinabi sa affidavit.
Sa kabila ng pagkakabanggit ng pangalan ni Usec. Bersamin sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado, ay nananatiling hindi man lang siya ipinatatawag upang tanungin ang kanyang partisipasyon.
Si Usec. Bersamin ay apo ni Ret. Supreme Court Chief Justice at dating Executive Secretary Lucas Bersamin na natanggal sa pwesto matapos mabanggit din ang pangalan nito sa kontrobersiya ng korupsyon.
Kung hindi ipatatawag ni Lacson si Usec. Bersamin sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee ay tuluyan nang mawawalan ng tiwala ang publiko sa kanila.
Lalo pang titibay ang hinala ng mga Pilipino na ayaw ni Lacson na umabot ang isyu ng korupsyon kay Pangulong Marcos, Jr. partikular ngayon na lumabas na nabulgar na ang palitan ng text messages ng Pangulo at ni Usec. Bersamin.
Hangga’t pinagtatakpan ng mga opisyal ng gobyerno ang katotohanan ay hindi makalalaya sa kahirapan ang mga Pilipino.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
1
