PUNA ni JOEL O. AMONGO
KUNG hindi mailalantad ang katotohanan kung sino ang tunay na utak sa korupsyon na nangyayari ngayon sa gobyerno ay hindi makakamtan ng mga Pilipino ang kalayaan sa kahirapan.
Na-PUNA natin sa mga isinagawang imbestigasyon ng Independent Commission on Infrastructure (ICI), Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senate Blue Ribbon Committee, ay hindi nila matukoy kung sino ang tunay na mastermind sa sindikato sa korupsyon.
Mula sa mga isiniwalat ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, hanggang kina DPWH Usec. Roberto Bernardo, dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at iba pang pribadong kontratista, sa mga kumuha umano ng kickbacks mula sa maanomalyang flood control projects, ay iilan pa lamang ang nakakulong ngayon.
Mula sa mga tanggapan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, Senado, Department of Public Works and Highways, Department of Budget and Management, Commission on Audit, Office of the Executive Secretary, Department of Justice, Department of Education, ay ilang mga opisyal ang nadawit sa kontrobersiya sa flood control scandal subalit tila maliliit lang na mga empleyado nila ang napapanagot.
Hanggang ngayon ay wala pang nakakasuhan sa mga kongresista at senador, maliban kay dating Senador Bong Revilla.
Sa DWPH ay pawang sina Usec. Bernardo at ilang engineer lang ang nakakulong ngayon, ang kanilang boss na si dating DPWH Sec. Manuel Bonoan ay nananatiling walang kaso.
Maging sina dating ES Lucas Bersamin at DBM Sec. Amenah Pangandaman ay hindi man lang ipinatawag sa mga imbestigasyon.
Minsan pinatawag sina dating Speaker Martin Romualdez at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ng ICI ngunit ni hindi man lamang nalaman ng publiko kung ano ang kanilang mga sinabi.
Naglabas ng pasabog si Zaldy Co sa pamamagitan ng part 1, 2, 3, 4, 5 at 6 videos na nagdadawit sa pamilya ni BBM at kay Martin Romualdez ngunit hindi man lang pinansin ng Office of the Ombudsman, DOJ, Blue Ribbon Committee, ICI at iba pang mga opisina ng gobyerno na nag-iimbestiga sa katiwalian.
Paano nga naman isusumbong sa “ISUMBONG SA PANGULO WEBSITE” ni Zaldy Co ang mga sangkot sa katiwalian kung ang kanyang itinuturo na utak sa korupsyon sa gobyerno ay si BBM mismo?
Paano rin mag-iimbestiga ang Ombudsman, DOJ, ICI, at Senate Blue Ribbon Committee kung ang mga namumuno niyan ay pawang mga kakampi ni BBM?
Pati tuloy si Batangas Rep. Leandro Leviste ay nabahag ang buntot at ngayon ay ayaw nang panindigan ang isiniwalat kina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at Caloocan City Rep. Egay Erice na palitan ng text messages nina BBM at Usec. Adrian Bersamin kaugnay sa bilyun-bilyong pisong kickbacks mula sa pondo ng gobyerno.
Paano nga naman lulutang ang mga kongresista, senador at gov’t officials laban kay BBM, na sinasabing pumaldo sa administrasyon?
Dati-rati ang pondo ng bawat kongresista sa loob ng isang taon ay umaabot lang ng mahigit kumulang sa P60 million at P80 million naman para sa mga senador. Ngunit tumanggap umano ang ilan sa mga ito ng bilyon-bilyon.
Kaya ngayon ay bulag, pipi’t bingi sila sa usapin ng kontrobersiya at hindi maituro si BBM bilang utak sa sindikato ng korupsyon.
Matutuldukan lamang ang korupsyong ito kung ang taumbayan na mismo ang kikilos.
Sa Peb. 25, sa anibersaryo ng “People Power Revolution” ay muli na namang maglulunsad ng malawakang kilos-protesta ang mga Pilipino, inaasahan na natin na ang kanilang magiging panawagan ay panagutin ang mga korap at pababain sa pwesto si BBM.
Nauna nang sinabi ni ACT Teachers Rep. Tinio na ang kanilang pagpapanagot kay BBM ay dadalhin nila sa lansangan sa pamamagitan ng mga kilos-protesta.
Matatandaan natin na ibinasura ng Kamara ang impeachment ng Makabayan Bloc laban kay BBM dahil “insufficient in substance” ang kanilang reklamo.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
1
