KAHIT SA PAGGAMIT NG SARANGGOLA, KAILANGAN PA RIN MAG-INGAT

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

SA panahon ngayon, sobrang madali na ang maghanap ng mapaglilibangan dahil sa dami ng pagpipilian. Kaya medyo nagulat ako nang malamang marami pa rin pala ang nagpapalipad ng saranggola kahit dito sa Metro Manila. Nakatutuwa rin kasi na sa kabila ng inobasyon at dami ng mga libangang dala ng technological advancements, nakapagbibigay pa rin ng kasiyahan ang ganitong mga simpleng bagay.

Pero nakababahala rin na marami rin palang insidente kung saan ang pagpapalipad ng saranggola ay nagdudulot ng perwisyo o ng aksidente.

Mayroon ngang kumalat sa social media kamakailan na mayroong isang bata sa Rizal ang umakyat sa poste ng kuryente para kunin ang sumabit na saranggola at nakapanlulumo ang sinapit ng bata dahil halos nalapnos ang balat niya pagkatapos makuryente at mahulog sa poste.

Sa Pangasinan naman, isang 12-anyos na binatilyo ang namatay matapos makuryente. Sumabit daw kasi ang kanyang saranggola sa puno na may kalapit na live wire at doon na siya mismo binawian ng buhay.

Ilan ito sa mga patunay na kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat kahit naglalaro lamang at nagpapalipad ng saranggola dahil maaari itong magdulot ng sakuna, bukod pa sa posibleng perwisyo kung sakaling magkaroon ng pagkaantala sa serbisyo ng kuryente.

Ayon sa datos ng Meralco, patuloy na tumitindi ang problema sa pagpapalipad ng saranggola na malapit sa mga linya ng kuryente. Nitong Mayo lamang, tumaas sa 60 ang insidente ng pagkaantala ng serbisyo ng kuryente dahil dito, halos dumoble kumpara sa 32 insidente sa kaparehong buwan noong nakaraang taon. Mula naman Enero hanggang Mayo ng 2024, nasa 115 insidente na ang naitala mula sa 78 insidente noong unang limang buwan ng nakaraang taon.

Nakababahala rin ito dahil sa panahon ngayon, kaunting antala lamang sa serbisyo ng kuryente, ikinakagalit na agad ng mga naapektuhan nito – patunay na sobrang mahalaga ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

Dapat talagang tandaan ng bawat isa na kailangang maging responsable sa ganitong bagay para na rin sa komunidad. Maaari rin kasi itong makaapekto sa libo-libong mamamayan at negosyo na nangangailangan ng patuloy na supply ng kuryente para sa kanilang pang-araw-araw na gawain.

Kaya nga dapat iwasan talaga ang pagpapalipad ng saranggola na malapit sa mga pasilidad ng kuryente para na rin maiwasan ang panganib na dulot nito. Kapag ang mga saranggola ay napadpad sa mga linya ng kuryente, mayroon itong potensyal na magsanhi ng short circuit, pagkaantala sa serbisyo at sa mga mas matinding kaso, maaari itong magresulta ng sunog o iba pang aksidente na maaaring magdulot ng pinsala sa ari-arian at buhay ng mga tao.

Walang pinipili ang mga ganitong insidente kaya nga kailangan din ang paulit-ulit na magpaalala dahil minsan nakalilimutan na ang panganib na dulot nito.

May mga lugar din kagaya ng Maynila at Quezon City na nagkaroon na ng ordinansang nagbabawal sa pagpapalipad ng saranggola para maiwasan na ang mga aksidente. Siguro, kailangan pang paigtingin talaga ang kampanya para solusyunan ang problemang ito. Bukod sa Meralco at mga kumpanyang may mga pasilidad na maaaring tamaan ng pinalilipad na mga saranggola, kailangan din maging mas aktibo ang mga lokal na pamahalaan at awtoridad na maglabas ng mga ganitong impormasyon. Marami na ring ibang pwedeng gamitin para sa kampanyang ito, kagaya ng social media na napakarami nang gumagamit.

Bilang isang lipunan, importante ang pagpapahalaga sa kamalayan at edukasyon ukol sa mga panganib na kaakibat ng mga simpleng gawain tulad ng pagpapalipad ng saranggola. Kailangan natin tandaan na responsibilidad nating lahat na isaalang-alang ang pampublikong kaligtasan.

48

Related posts

Leave a Comment