THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
ISA sa aktwal na kinakaharap natin sa bansa ang patuloy na pagtaas ng demand sa kuryente at ang matunog na panawagan sa buong mundo na tumangkilik sa mas malinis na pagkukunan nito.
Kaya marami nga ring inisyatibang naglalayong isulong ang renewable energy, ang paggamit ng solar, wind o hydropower resources na available naman sa maraming bahagi ng bansa.
Napakamatunog nito at napakarami na ring polisiya ng pamahalaan para mas mapaigtimg pa ang paggamit ng renewable energy sa bansa.
Pero habang narito na tayo sa aspetong ito, importante rin na paghandaan na rin natin kung ano ba ang kailangan natin sa mas malayo pang hinaharap.
Bilang isang malaking kumpanya sa industriya ng enerhiya, isa ang Meralco sa nagsusulong ng tinatawag na next generation technologies — kagaya ng nuclear at battery storage.
Pagsubok kasi ang kamahalan ng mga teknolohiyang ito kaya napapanahon ang ginagawang paghahanda ng Meralco para sa paggamit natin ng mga ganitong teknolohiya sa hinaharap.
Isa sa talagang patuloy na pinag-aaralan ng kumpanya ang posibleng paggamit ng nuclear energy. Hindi naman kaila sa marami sa atin ang mga agam-agam at pangamba sa paggamit nito, at pati na rin siyempre ang social acceptability.
Pero mabuting hindi pa man gagamitin sa bansa, inilalatag na ang lahat ng kailangan nating malaman at paghandaan para pagdating ng araw, ligtas natin itong mapakikinabangan sa pagtugon sa lumalaking pangangailangan sa suplay.
Nitong mga nakaraang buwan, pumirma ang Meralco ng mga kasunduan sa kilalang mga unibersidad sa Estados Unidos, Canada at China. Layunin nitong pag-aralang mabuti ang paggamit ng nuclear energy at magkaroon ng mga propesyonal na magiging dalubhasa sa nuclear engineering.
Patunay ito ng dedikasyon ng Meralco na bigyan ang bansa ng alternatibong pinagkukunan ng kuryente na hindi lamang epektibo kundi ligtas din para sa kalikasan at lipunan.
Matagal na kasing laman ng debate ang paggamit ng nuclear energy sa bansa. Sa isang banda, hindi maitatanggi ang mga benepisyo nito, gaya ng malaking kapasidad sa pag-generate ng kuryente at ang potensyal na mapababa ang carbon emissions. Pero siyempre, marami pa rin ang may pangamba sa posibleng panganib na dulot nito, partikular na sa kaligtasan ng nuclear plants at ang usapin ng radioactive waste management.
Kaya nga kritikal hindi lamang para sa Meralco, kundi para sa buong bansa ang estratehiyang makakuha ng sapat na kaalaman at kasanayan sa larangang ito.
Importante rin ang pag-develop ng mga lokal na eksperto na layunin din ng kumpanya sa ilalim ng programa nitong Filipino Scholars and Interns on Nuclear Engineering o FISSION.
Susi ang pagbuo ng ganitong uri ng lokal na kakayahan para matiyak na ang anomang hakbang tungo sa nuclear energy ay magiging matagumpay at kapaki-pakinabang sa bansa.
Sa kasalukuyan, pinupunan pa rin ng coal at natural gas ang malaking bahagi ng pangangailangan ng bansa sa suplay ng kuryente. Kaya nga kailangang magkaroon ng mas matibay na alternatibo ang bansa. Malaki ang potensyal ng nuclear energy na maging isa sa mga pangunahing solusyon sa problemang ito, lalo na kung maisasama ito sa mas malawak na plano ng paggamit ng renewable energy sources.
Bukod pa riyan, makapagbubukas din ito ng maraming oportunidad para sa bansa sa pandaigdigang arena. Maaaring maging sentro ang Pilipinas sa rehiyon para sa mga nuclear program at research, na magpapalakas sa ating ekonomiya at magbibigay ng mas maraming trabaho sa ating mga kababayan.
Bagama’t marami pang hamon, ang potensyal ng enerhiyang nukleyar na magbigay ng malinis, sapat, at abot-kayang kuryente ay hindi dapat palampasin. Kapag mayroong tamang kaalaman, teknolohiya, at pamamahala, malaki ang papel nito sa pagtulong na makamit ang energy security sa bansa.
57