WALANG MAGAGAWA KUNDI MAGHANDA

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NAKAALERTO ang mga ahensya at mga lokal na pamahalaan buong weekend dahil sa banta ng bagyong Pepito. Sa isang update nitong Linggo, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na lubhang mapanganib ang naturang bagyo.

Sunod-sunod ang tumatamang bagyo sa Pilipinas kaya naman talagang nakababahala ito sa napakarami nating kababayan na halos hindi makakuha ng sapat na panahon para maka-recover. Pero wala rin naman talagang magagawa kundi maghanda para ma-mitigate kung anomang negatibong epektong maidudulot nito.

Maaga na ring nagsimula na maghanda ang Meralco para sa super typhoon ‘Pepito’ na inaasahang magdadala ng matinding ulan at malakas na hangin sa mga lugar na pinagseserbisyuhan nito.

Ilang araw nang abala ang mga linecrew ng kumpanya sa pagpuputol ng mga sanga ng puno at pagsasaayos ng mga kable ng kuryente sa mga lugar para masiguro na ligtas ang publiko at makatulong rin sa tuluy-tuloy at maayos na serbisyo ng kuryente sa mga customer sa kabila ng banta ni Pepito.

Sa tuwing papasok ang panahon ng bagyo, kailangan talaga ng tamang paghahanda para maiwasan ang pinsala at mapanatili ang kaligtasan ng ating mga pamilya at komunidad — kahit paulit-ulit pa ito.

Seryosong hamon kasi ang sunud-sunod na bagyo, tulad ng madalas nating nararanasan, at mas napapatindi pa ‘yan ng kakulangan sa kaalaman at tamang kagamitan.

Tayo rin sa ating simpleng pamamaraan, mayroon tayong nga kailangang gawin at siguruhin. Pinapaalala palagi ng Meralco ang pagsiguro na nasa maayos na kalagayan ang electrical appliances, at hindi dapat hawakan ang mga ito kung basa ang kamay at katawan. Kung binaha naman at nalubog ang wirings at appliances, dapat munang ipa-check ang mga ito sa lisensyadong electrician bago gamitin ulit para masigurong maayos pa ang mga ito at para makaiwas sa mga aksidente.

Bukod pa diyan, kailangang panatilihing bukas ang communication lines at mag-monitor sa sitwasyon. Mahalaga rin na may nakahandang emergency kit na may lamang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, first aid kit, flashlight, at baterya. Mainam na sapat ang mga supply para sa tatlong araw na gamit, dahil maaaring magtagal bago dumating ang tulong kung mabigat ang pinsala sa lugar.

Taliwas sa minsang kumalat sa social media na opinyon ng isang personalidad na nagsasabing hindi na dapat ginagawang balita ang pagmo-monitor sa lagay na panahon, napakahalaga nito sa paghahandang ginagawa ng awtoridad at ng ating mga kababayan na talagang sumusubaybay dito dahil nagbibigay ito ng sapat na oras para maghanda at umaksyon. Gamitin natin ang mga opisyal na ulat mula sa PAGASA at huwag basta magtiwala sa mga impormasyong walang kumpirmasyon. Mahalagang may kaalaman sa mga forecast upang masigurong makagagawa ng tamang hakbang sa tamang oras.

Siguraduhing may malinaw na plano sa lugar ng paglilikasan lalo na kung ang tahanan ay nasa lugar na madalas bahain o malapit sa baybaying dagat. Ang mga paaralan, simbahan, at barangay hall ay kadalasang nagsisilbing mga evacuation center, kaya’t alamin kung saan ang pinakamalapit at tiyaking alam ng bawat miyembro ng pamilya ang tamang ruta patungo rito.

Mahalaga rin ang pagtutulungan sa panahon ng kalamidad. Makipag-ugnayan sa barangay officials at mga organisasyon na nagbibigay ng disaster preparedness seminars. Siguraduhing ligtas ang bahay mula sa posibleng pinsala sa pamamagitan ng pag-check sa bubong, bintana, at pader nito. Ang pagtanggal ng malalaking mga bagay o basura sa paligid na maaaring tangayin ng malakas na hangin ay makatutulong din sa kaligtasan.

May tungkulin tayong lahat na paghandaan ang mga ganitong bagyo hindi lamang para sa pansariling kaligtasan kundi para sa kapakanan ng buong komunidad. Sa ganitong paraan, maaari tayong maging mas handa at resilient sa harap ng sunod-sunod na bagyo at iba pang kalamidad na darating.

8

Related posts

Leave a Comment