TIKAS NI SINAS

MINSAN pa, ipinamalas ng retiradong dating Philippine National Police (PNP) chief General Debold Sinas ang tikas na mayroon siya sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Tanging si Sinas lang ang hindi isinama sa kasong kriminal na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa 17 opisyal at operatiba kaugnay ng ­tinaguriang “Bloody Sunday” na kumitil sa siyam na aktibista, kabilang ang mag-asawa sa ­Nasugbu Batangas noong Marso 2021.

Bagama’t karaniwang pasok ang pinuno sa bulilyaso ng grupo – batay sa doktrina ng command responsibility – sadyang mahirap para sa NBI ang kasuhan ang isang retiradong heneral na iniluklok ng Pangulo sa Palasyo?

Ang siste, kumbinsido ang NBI na ­sadyang pakay ng operasyon ang paslangin ang dalawa sa siyam na aktibistang target ng PNP, pero dahil nga nasa poder, ano pa nga naman ba ang pwede nilang gawin kundi isakripisyo na lang ang mga operatibang ang tanging kasalanan ay sumunod sa direktiba ng punong tagapagpaganap ng pulisya.

Ayon pa sa NBI, bagama’t lehitimo ang sabayang operasyon sa iba’t ibang lugar sa Calabarzon, hindi angkop na magkubli ng kanilang mukha ang mga operatiba gamit ang bonnet. Mali rin anilang tao ang ­hanapin sa halip na ebidensya, batay na rin sa takda ng bitbit na search warrant.

Malinaw rin sa pagsisiyasat ng NBI na ang mga biktima ay pinaputukan habang nakaluhod batay na rin sa direksyon ng balang tumama sa mag-asawang aktibista. Pero bago pa man ang pamamaslang, ­tinakot pa umano ng mga operatiba ang mga saksi, kasabay ng pagbabawal ng pagkuha ng video o larawan sa kanilang ginagawa.

Ang totoo, ‘di naman aabot sa sukdulang pamamaslang ang operasyon kundi rin lang iniutos ng mga nakaposisyon.

Dapat bang ikanta na lang ng mga ­operatibang isinakripisyo, ang nag-utos na pinuno? Pwede naman, kaya lang posible rin malagay sila at ang kanilang pamilya sa peligro.

173

Related posts

Leave a Comment