TILA sasakit ang ulo ng administrasyong Duterte kahit nagsimula na ang baksinisasyon sa bansa laban sa COVID-19 dahil tumaas na sa 58 Filipino ang kumpirmadong nagkaroon ng South African variant ng nasabing virus mula sa anim na kasong unang natunton noong Marso 2, habang pumalo sa 118 ang kabuuang bilang ng mga Filipino na nagkaroon ng United Kingdom variant.
Isinapubliko ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes, Marso 5, na 52 kaso ang naidagdag na South African variant, o B.1.351 COVID-19.
Inihayag sa media ng ilang dalubhasa na higit na mabagsik ito kaysa COVID-19 na nakapasok sa bansa noong Marso ng nakalipas na taon.
Binanggit sa DOH press release, 41 sa tinamaan ng SAV ay mga naninirahan sa National Capital Region (NCR), samantalang ang 11 iba pa ay inaalam pa kung matagal na silang residente sa bansa, o kagagaling lamang sa ibang bansa.
Sa 58 cases, isa pa lamang, hanggang nitong Biyerners, ang gumaling, ayon sa DOH, at ito ang isa sa tatlong residente ng Lungsod ng Pasay na naunang nadiskubreng nasapol ng SAV.
Sa 118 cases ng UK variant, o B. 1.1.7 variant, 31 ang bago rito, pahayag ng DOH.
Tulad ng South African variant, mabagsik din umano ang UK variant, pahayag ng ilang eksperto.
Sa kumpirmadong 31 aktibong kaso, 28 ay mga residente sa NCR.
Inaalam pa ng DOH kung saang lugar nakatira ang tatlong iba pa. (NELSON S. BADILLA)
381 