NAHULI ng mga awtoridad ang isang babaeng nagnakaw ng motorsiklo sa lalawigan ng Quezon matapos maaksidente sa Sto. Tomas City sa Batangas habang tumatakas.
Ang suspek ay kinilalang si Rhea May Ibañez Marquez, 24, residente ng Bulacan.
Ayon sa report, nitong Lunes ay personal na nagtungo ang biktimang si Jovan Paul Masongsong, 26, taga-San Antonio, Quezon, sa Tiaong Municipal Police Station upang i-report ang pagkawala ng kanyang motorsiklo.
Iniwan umano niya ang kanyang Honda Click na nakaparada sa tapat ng isang lying-in clinic sa Sitio Sambat, Brgy. Talisay, Tiaong nang bigla na lamang itong mawala.
Habang inire-report ni Masongsong ang insidente, nakatanggap siya ng tawag mula sa mga pulis ng Sto. Tomas City Police Station na sinasabing nasangkot ang motorsiklo niya sa isang aksidente sa Maharlika Highway, Brgy. San Rafael, Sto. Tomas, Batangas.
Agad na pumunta si Masongsong kasama ang mga pulis ng Tiaong, sa Sto. Tomas CPS upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng motorsiklo.
Matapos kumpirmahin na ito nga ang nawawala niyang motorsiklo, agad na inaresto ang suspek na si Marquez.
Dinala ang suspek sa Tiaong Police Station at ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016.
(NILOU DEL CARMEN)
