LAGUNA – Natagpuang patay at tadtad ng saksak ang isang empleyada ng sanglaan ng mga gadget ilang minuto makaraan nitong i-report sa kanilang manager ang hinggil sa nangyaring panloloob sa kanilang establisyemento sa Cabuyao City.
Ayon sa report ng Cabuyao City Police, nangyari ang krimen dakong alas-9:40 ng umaga noong Lunes at kinilala ang biktimang si alyas “Jona”, 27, nadatnan ng mga katrabaho na walang buhay na nakahandusay sa sahig at may tatlong saksak sa leeg, kaliwang balikat at tiyan.
Sa pagsisiyasat, sinasabing pinakaunang pumasok sa trabaho ang biktima at natuklasan na pinasok ang sanglaan kaya agad na inireport sa kanilang manager.
Ngunit pagkalipas ng ilang minuto, hindi na siya ma-contact kaya tumakbo na sa lugar ang dalawa pang staff.
Hindi pa malinaw kung paano at kung sino ang sumaksak sa biktima.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Randy Oliquino, walang CCTV sa lugar, at teorya ng mga imbestigador, naabutan ng biktima ang mga suspek sa loob na siyang sumaksak dito.
Agad itong dinala sa Global Medical Center Hospital ngunit idineklarang wala nang buhay ng doktor.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
(NILOU DEL CARMEN)
