SWAK sa selda ng Manila Police District (MPD) ang isang 29-anyos na binata matapos tangayin ang umano’y motorsiklo ng isang pulis, iniulat ng pulisya kahapon.
Kalaboso ang suspek na kinilalang si Mikhael Flores y Sarmiento, binata, tambay, ng #409 Teresita St., Bustillos, Sampaloc, Manila.
Batay sa ulat ni P/Capt. Jake Arcilla, Block commander ng Manila Police District-V. Mapa Police Community Precinct, sakop ng Sta. Mesa Police Station 8, bandang alas-11:15 ng tanghali nitong Huwebes nang mamataan ang isang lalaki na kahinahinala ang kilos habang lulan ng motorsiklo sa panulukan ng V. Mapa at Sarmiento Streets sa Sta. Mesa.
Sinita ito ni Pat. Louie Rens Crisostomo at dalawa pang pulis dahil walang suot na helmet.
Wala umano itong maipakitang driver’s license kaya napilitan ang mga pulis na dalhin ang suspek sa PCP para maberipika.
Bunsod nito, nadiskubre ng mga awtoridad na karnap ang motorsiklong dala ng lalaki at nakarehistro bilang pag-aari ng isang pulis na kinilalang si Pat. Christopher Diamzon, 31-anyos, nakatalaga sa MPD-Station 8.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nabatid na nawala ang motorsiklo ni Pat. Diamzon noong Pebrero 10 bandang alas-11:55 ng gabi sa JP Laurel St., sa San Miguel, Manila.
Ipina-blotter umano ni Diamzon ang pagkawala ng kanyang puting motorsiklong Yamaha Mio Sport na 125 CC, model 2017.
Gayunman, nagtugma ang discription sa motorsiklo ni Diamzon at sa sasakyan na nakuha sa suspek kaya dinala si Flores sa MPD- Anti-Carnapping Unit para sa kasong carnapping. (RENE CRISOSTOMO)
