NAGPINTURA ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas, sa pamamagitan ng City Engineering Office (CEO), ng queue boxes papunta sa mga palengke, tindahan at iba pang establisimiyentong malimit puntahan ng mga residente.
“Madalas magulo kapag oras ng pamamalengke. Nagmamadali ang mga tao na makapasok sa palengke. Para maiwasan ang pagsisikip sa loob at masunod ang isang metrong social distancing, nagpatupad tayo ng one entrance at one exit scheme.
Nagpintura rin tayo ng mga box na tutuntungan ng mga mamimili para maayos ang kanilang pila,” ani Mayor Toby Tiangco.
Tinapos ng CEO noong Huwebes ang pagpintura ng queue boxes papuntang Agora Market sa Brgy. NBBS Proper at Oliveros Market sa Brgy. Tangos North.
Kasunod nitong pipinturahan ang mga espasyo papuntang Puregold, Mercury Drugstore at Navotas Sports Complex.
Muling umapela si Tiangco sa mga residente na manatili sa bahay at iwasang gumala para maging ligtas sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Mayroon na tayong 19 kumpirmadong kaso at isa sa mga pasyente ay bedridden na simula pa Pebrero. Malamang nakuha niya ang virus mula sa mga nag-aalaga o bumisita sa kanya,” aniya.
Bukod sa 19 nagpositibong pasyente, ang Navotas ay may 48 suspected at 54 probable na kaso ng COVID-19. (ALAIN AJERO)
165 