TITSER ARESTADO SA RAPE SA ESTUDYANTE

ARESTADO ang isang 36-anyos na guro sa bisa ng dalawang warrant of arrest makaraang matunton ng mga awtoridad sa bayan ng Pavia sa lalawigan ng Iloilo noong Pebrero 13, 2025.

Ayon sa natanggap na report ni District Director PCol. Villamor Tullao ng Eastern Police District (EPD), kinilala ang suspek na guro na si alyas “Dodzman”, itinuturing na no. 2 most wanted person ng Eastern Police District at no. 3 naman sa listahan ng most wanted persons ng Pasig City Police Station.

Ayon pa sa report, unang naaresto ang suspek sa bayan ng Pavia sa Iloilo noong Pebrero 13, 2025 sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Nobyembre 5, 2024 ni Presiding Judge Jesus Angelito Huertas ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 261, sa kasong statutory rape.

Ngunit habang nasa kulungan sa Pasig City, napag-alaman na may isa pa pala itong kaso kaya inihain din sa kanya ang isa pang warrant of arrest na inisyu noong Oktubre 9, 2004 ni Presiding Judge Joanne Gironella-Gastrock ng Antipolo RTC Branch 98, sa kasong rape sa ilalim ng 266-A ng Revised Penal Code.

Batay sa impormasyon, nagkamabutihang-loob umano ang suspek at ang 14-anyos na babaeng estudyante kaya nagawa nitong pagsamantalahan ang biktima, una noong Hunyo 14, 2004 sa isang motel sa Pasig at ikalawa, noong Hunyo 26, 2024 sa isang lodging house sa Antipolo City.

Buwan na ng Agosto nang matuklasan ng mga magulang ang sinapit ng biktima kaya agad nagsumbong sa mga awtoridad na nagresulta sa pag-isyu ng dalawang warrant of arrest na parehong walang inirekomendang piyansa.

Pansamantalang nakakulong ang suspek sa Custodial Facility ng Pasig City Police Station habang hinihintay ang commitment order galing sa dalawang korte. (NEP CASTILLO)

24

Related posts

Leave a Comment