MAIHAHANAY na rin sa mga ahensya ng pamahalaan na tumanggap ng natatanging karangalan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) – Regional Office 1 na naka-base sa San Fernando City, La Union.
Dahil sa kasipagan at naging ambag sa paglaban sa pandemya ng naturang ahensya kaya ito’y pinarangalan ng Civil Service Commission (CSC) ng ‘Public Service Excellence’.
Sa isang virtual appreciation program noong Sept. 27, 2021, sa ika-121 taong anibersaryo ng Philippine Civil Service (CSC), ay ginawaran nito ng Certificate of Appreciation ang DPWH Regional Office 1, sa pamumuno ni Director Ronnel M. Tan.
Kinilala rin si DPWH Secretary Mark A. Villar ng CSC sa patuloy nitong paglilingkod sa bansa sa gitna ng umiiral na krisis, kalamidad at emergencies.
Sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri ng CSC Regional Office at ng kanilang field offices, si Director Tan ng DPWH Region 1 Team ay napiling parangalan dahil sa ‘di matawaran nitong pagsisikap na buo ang loob at may dedikasyon upang gampanan nang buong husay ang kanyang tungkulin sa kabila ng pandemyang kinahaharap ng bansa.
Labis namang ikinatuwa ni Director Tan ang karangalang natamo ng DPWH Region 1 sa larangan ng frontline service mula sa CSC award.
“On behalf of the men and women of DPWH Regional Office 1, we are grateful to accept the recognition and overwhelmingly proud by the text of the certificate, you are all heroes,” patungkol ni Director Tan sa kanyang mga nasasakupan.
Ang sertipikasyon ng pagkilala ay bilang parangal sa DPWH Region 1 frontliners at sa kanilang hindi mababayarang kontribusyon upang mabawasan ang epekto ng pandemyang dulot ng COVID-19, gayundin sa kanilang pagtugon sa emergency situations.
Matatandaan na nakatanggap na rin ng karangalan ang DPWH Region 1 Office, sa ilalim ng pamumuno ni Director Tan, bilang ‘Top Performing Implementing Unit’ ng nabanggit na kagawaran sa Unified Directors Meeting noong Sept. 10 sa Hilton Clark Sun Valley Resort, Clark Freeport, Pampanga.
Bukod pa rito, kinilala rin ni Sec. Villar si Dir. Tan bilang most awarded Regional Field Executive sa nakalipas na mga taon.
Taglay ang pusong matatag, si Director Tan ng DPWH Region 1 ay ilan lamang sa kakaunting makabagong bayani na handang magbuwis ng buhay upang tumulong sa pakikidigma ng bansa sa pandemya at iba pang kalamidad.
Sa datos, ang DPWH Region 1 na sumasakop sa Pangasinan, La Union, Ilocos Sur at Ilocos Norte, ay mabilis na kumikilos sa mga sandaling nasa high alert ang nasabing rehiyon, dahil sa mga kalamidad, kaagad nilang binibisita ang mga apektadong lugar at mag-check ng mga daan, tulay, public buildings, health centers, schools, flood mitigation structures, at iba pang pampublikong gusali upang matiyak na nasa maayos na kundisyon ang mga lugar at gusali.
Ayon kay Dir. Tan, kadalasang naisasakripisyo ng mga kalalakihan at kababaihan ng DPWH Region 1 ang kanilang sariling kaligtasan upang makapagbigay lamang ng suporta at makapaglingkod sa mas nangangailangang mamamayan sa panahong nakararanas ng kalamidad ang rehiyon.
218
