TOLL INCREASE SA NLEX PINAHAHARANG SA TRB

HINILING ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa Toll Regulatory Board (TRB) at sa North Luzon Express NLEX) Corporation na ipagpaliban ang provisional increase sa toll rates sa gitna ng lumalalang traffic condition sa expressway at epekto ng inflation na kinakaharap ng mga Pilipino.

“In behalf of the hundreds of thousands of motorists plying the North Luzon Expressway (NLEX), I appeal for some considerations and reprieve on the proposed increased toll rates. Our people are grappling with the effects of inflation and, therefore, implementing a toll increase at these challenging times would exacerbate their economic hardships,” saad ni Pimentel.

Una nang inaprubahan ng TRB ang provisional toll increase sa NLEX open system na dagdag P7 sa Class 1 vehicles, P17 sa Class 2 at P19 sa Class 3 epektibo sa Hunyo 15.

Saklaw nito ang Balintawak sa Caloocan, Mindanao Avenue at Marilao sa Bulacan.

Sinabi ni Pimentel na ang anomang dagdag singil sa ngayon ay maituturing na unjustifiable at unfair sa mga motorista na araw-araw ay nakararanas ng matinding trapiko sa expressway partikular mula Balintawak hanggang Meycauayan.

Iginiit ng senador na bago humingi ng dagdag na bayad, dapat ayusin muna nila ang trapik sa NLEX.

Batay sa datos ng NLEX, nasa 280,000 na sasakyan ang dumaraan sa NLEX araw-araw.

Iginiit ni Pimentel sa TRB na bigyang prayoridad ang interes ng publiko at tiyaking ang toll rates ay patas at rasonable.

Para naman kay Senador Grace Poe, dapat ipaliwanag ng Toll Regulatory Board at North Luzon Expressway ang biglaang pagtataas ng toll rates nito.

Sa pagpuna ni Poe, sinabi nito na kung ang periodic adjustments ay matagal nang dapat nailarga, dapat ipaliwanag ng TRB kung bakit ngayon lamang ito naisakatuparan.

Ang kwestyon anya sa toll rates ay hindi lamang batay sa PPP contract kundi maging sa traffic data.

Tanong ng senador kung sadya nga bang express service ang naibibigay sa taumbayan ng expressways o natutumbasan ba ng maayos na serbisyo ang ibinabayad.

Iginiit ni Poe na panahon na ring pag-aralan ng gobyerno ang dynamic pricing kung saan hindi dapat magpatupad ng dagdag singil kung mababa naman ang customer satisfaction o hindi naabot ang performance benchmarks.

Ipinaalala pa ng mambabatas na bagama’t nakapaloob sa PPP contract ang toll rates, dapat pinag-aaralan itong mabuti ng TRB upang matiyak ang proteksyon sa interes ng publiko.

“We pay tolls for a faster journey – that is exactly why it is called an expressway. We should approve toll fees in the same speeds that the expressway affords its users,” saad ni Poe.

(DANG SAMSON-GARCIA)

190

Related posts

Leave a Comment