ISANG linggo matapos ang eleksyon, humarap ang mga pulis sa CALABARZON sa gawaing pagbabaklas, o pagtatanggal ng ginamit na election campaign materials.
Matagumpay na isinagawa ng PNP CALABARZON ang “Simultaneous Oplan Baklas” noong Martes ng hapon, at tone-toneladang basura ng kampanya ang kanilang nahakot.
Kaugnay ito sa utos ng PRO 4A sa lahat ng mga istasyon ng pulisya sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon na lumahok sa “Oplan Baklas” pagkatapos ng eleksyon.
Malinaw ang layunin ng nasabing kautusan, ang alisin ang lahat ng natitirang campaign materials, lalo na ang mga nakakalat sa mga pampublikong lugar tulad ng mga poste ng kuryente, puno, pader ng gusali, at mga lugar na hindi itinalaga para sa mga poster.
Mula sa iba’t ibang lokasyon sa limang probinsya, ang CALABARZON PNP, na nakiisa sa “Simultaneous Operation Baklas” nitong Martes, ay nakakolekta ng malaking volume ng tarpaulin.
Ayon kay PLt. Col. Chitadel Gaoiran, tagapagsalita ng CALABARZON PNP, ang nakolektang mga materyales ay isasailalim sa segregasyon.
Ang mga mapakikinabangan, lalo na ang mga tarpaulin, ay ipapasa sa mga kumpanyang eksperto sa pagre-recycle ng plastik at iba pang non-biodegradable materials.
Ang paglilinis na ito ay bunga ng pagtutulungan ng pulisya ng CALABARZON, mga kinatawan mula sa Comelec, LGUs, mga barangay, at iba pang volunteer organization.
(NILOU DEL CARMEN)
