MAHIGPIT na ipinatutupad ang “no entry/exit” policy sa bayan ng Pandi, Bulacan kaugnay ng hakbang ng nasabing bayan upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Alas-7:00 ng umaga kahapon nang simulang pairalin ng pamahalaang lokal ng Pandi ang hindi pagpapapasok ng mga indibidwal mula sa ibang lugar gayundin ang mga manggagaling sa loob palabas ng Pandi.
Kaugnay pa rin ng COVID-19, hiniling ni Pandi Mayor Enrico Roque sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na tuluyang ipatigil ang mga operasyon ng quarry gayundin ng mga resorts sa nasabing bayan bilang pag-iwas sa pagkalat ng COVID-19.Sa ngayon ay mahigpit na ipinatutupad sa mga boundaries ng Pandi palabas ng mga bayan ng Angat, Sta. Maria, Bustos at Balagtas ang no entry/exit policy bilang tugon na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay Mayor Roque, kabilang dito ang Barangay San Roque-Manggahan sa Sta Maria, Barangay Bunsuran 2nd-Santol sa Balagtas, Barangay Cupang-Liciada sa Bustos at Barangay Siling Matanda-Engkanto sa Angat na pawang nagpatupad na ng total lockdown.
Sinabi ng alkalde na kailangang sumunod at magsakripisyo ang bawat mamamayang maaapektuhan dahil ang hakbang na ito ay para rin sa kanilang kaligtasan.
Samantala, nabatid na tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng quarry at ng ilang resort sa lalawigan ng Bulacan na dapat umanong pansamantalang ipahinto.
Ayon kay Mayor Roque, ang quarry operation sa bayan ng Angat ay idinadaan ang malalaking truck papasok sa bayan ng Pandi na ginagawang gateway papunta sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Katwiran umano ng driver operator ay government project ito at hindi dapat abalahin. ELOISA SILVERIO
