HINDI na naisalba ng mga manggagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang 14-anyos na binatilyo habang nasa malubhang kalagayan naman ang isa pang sangkot umano riot sa Tondo, Manila, Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si John Mark Molina, alyas Dennis, isang out of school youth. Inoobserbahan naman sa nasabing pagamutan si Jomar De Jesus, 17-anyos, kapwa taga-Sta. Cruz, Manila.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Magno Gallora Jr., station commander ng MPD- PS 2, madaling araw nitong Huwebes nang magpang-abot ang dalawang grupo ng kabataan na nauwi sa riot sa Northbound lane ng Jose Abad Santos Avenue, sakop ng Brgy. 252, Tondo. Makalipas ang magkakasunod na putok ng baril ay bumulagta ang dalawang biktima habang nagpulasan ang iba pang sangkot sa kaguluhan. (RENE CRISOSTOMO)
