CAVITE – Nalunod ang isang 16-anyos na binatilyo makaraang tumalon sa ilog kahit hindi marunong lumangoy dahil sa kantiyaw ng mga kaibigan sa bayan ng Silang sa lalawigang ito, noong Martes ng hapon.
Namatay noon din ang biktimang si alyas “Drin,” ng Silang Crossing East, Olivarez, Tagaytay City.
Ayon sa ulat ni Pat. Minervin Castillo ng Silang Police Station, dakong alas-4:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa isang ilog sa Destura St., Brgy. Malabag, Silang, Cavite kung saan dumayo pa ang biktima at ilang kaibigan nito para maligo sa ilog.
“Nagkantiyawan ang mga bata at nagsipagtalunan sa ilog kaya tumalon din ang biktima, eh hindi niya akalain na malalim pala at hindi siya marunong lumangoy,” ayon kay Pat. Castillo.
Nabatid na may lalim na mahigit 12 feet ang ilog kung saan tumalon ang biktima.
Tinangkang sagipin ng mga kasamahan niya ang biktima ngunit bigo silang maisalba ang buhay nito. (SIGFRED ADSUARA)
267
