TRAFFIC ENFORCER TINUMBA NG TANDEM

BULACAN – Patay ang isang traffic enforcer makaraang pagbabarilin ng riding in tandem habang namamahinga sa tapat ng laundry shop sa Barangay Caypombo, sa bayan ng Sta. Maria sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Mario Domingo alyas “Bangis,” namatay noon din sa pook ng insidente bunga ng tatlong tama ng bala sa katawan habang tumakas naman ang mga suspek nang matiyak na napuruhan ang pakay.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-3:20 ng hapon nang mangyari ang insidente habang namamahinga sa tapat ng laundry shop sa Barangay Caypombo sa Sta. Maria si Domingo matapos magmando ng trapiko sa lugar.

Biglang umanong huminto ang isang itim na motorsiklong walang plaka saka pinaputukan ng mga suspek ng tatlong beses ang biktima na duguang bumulagta sa lugar at namatay noon din.

Nabatid na ang biktimang si Domingo ay kalalabas pa lamang sa kulungan noong Hulyo 13 matapos makapaglagak ng piyansa sa kasong homicide.

Ang nasabing kaso ay hinggil sa isang tricycle driver na si Angelito Alcaraz na inaresto ni Domingo bagama’t wala naman umanong nilabag na batas trapiko at makaraang posasan ay inatake sa puso dahil sa sama ng loob at binawian ng buhay.

Nagsampa ng kasong homicide ang pamilya ng driver dahilan upang makulong ang nasabing traffic enforcer.

Makaraang makalabas ng kulungan matapos magpiyansa ay bumalik sa trabaho si Domingo hanggang sa pagbabarilin ng riding in tandem na ikinamatay nito. (GINA BORLONGAN)

220

Related posts

Leave a Comment