UMAPELA si ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na huwag payagan ang hinihinging travel authority ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte para sa pagbiyahe sa 17 bansa habang naka-sesyon pa ang Kongreso.
“Nananawagan tayo sa Speaker na huwag naman pahintulutan iyan kasi tingin ng publiko abuso ito eh, na pinapasuwelduhan ang mga elected representatives bilang public servant,” sinabi ni Tinio sa isang ambush interview kahapon.
Sa liham ni Duterte kay Dy, nakasaad na bibiyahe siya mula December 15, 2025 hanggang February 20, 2026 sa 17 bansa para umano sa personal na lakad, gamit ang sariling pondo.
Ipinunto ni Tinio na hindi magandang tingnan ang pag-alis ni Duterte sa panahon ng sesyon, lalo na’t batay sa bagong Calendar of Session na inaprubahan ng Mababang Kapulungan at Senado, sa December 23, 2025 pa ang adjournment at magbabalik ang sesyon sa January 26, 2026.
Giit niya, may karapatan man si Duterte magbiyahe, may obligasyon itong pisikal na gampanan ang tungkulin, kabilang ang pagdalo sa sesyon at committee hearings.
“Umattend ng session at magtrabaho sa distrito. Hindi niya magagawa ang mga trabahong iyon kung wala siya sa bansa,” dagdag pa ng kongresista.
Tinukoy rin ni Tinio na humiling si Duterte na dumalo via Zoom, ngunit paliwanag niya, pinapayagan lamang ang remote attendance sa emergency circumstances na aniya’y hindi applicable sa kaso ng Davao lawmaker.
Humarap sa Imbestigasyon
Samantala, iginiit ni House committee on public accounts chairman Terry Ridon na kung may oras si Duterte bumiyahe abroad, dapat mayroon din itong panahon para humarap sa mga imbestigasyon kaugnay ng flood control at iba pang infrastructure projects sa kanyang distrito.
“While Rep. Paolo Duterte has the right to request travel clearances for foreign trips exceeding two months, he should make himself available to investigative bodies such as the Office of the Ombudsman for any proceedings on infrastructure and flood-control projects in his district,” ani Ridon.
Batay sa sulat ni Duterte kay Dy, una niyang bibisitahin ang siyam na bansa sa Asia kabilang ang Cambodia, China, Hong Kong, Indonesia, Japan, Malaysia, Singapore, South Korea at Vietnam.
Kasunod nito, bibiyahe siya sa anim na bansa sa Europa: Belgium, France, Germany, Italy, United Kingdom at The Netherlands, kung saan nakakulong ang kanyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Kasama rin sa itinerary ang Estados Unidos at Australia, kabuuang 17 bansa sa loob ng mahigit dalawang buwan.
Bukod kay Duterte, nais din ni Ridon na ang ibang district congressmen na planong magbakasyon abroad ay dapat ding maglaan ng oras para humarap kapag ipinatawag, lalo na kung may natukoy ang DPWH, AFP o PNP na substandard o ghost projects sa kanilang distrito.
(BERNARD TAGUINOD)
110
