‘TRIAL AND ERROR’ SA FACE-TO-FACE CLASSES

NANGANGAMBA ang mga magulang na ­maging “trial and error” ang pagpapatupad ng face-to-face classes ng Department of Education (DepEd) sa mga mag-aaral sa buong bansa.

Kaligtasan kasi ng milyun-milyong mag-aaral ang nakasalalay rito.

Noong Setyembre 20, 2021 ang DepEd ay naglabas ng official statement “on the approval of the pilot implementation of limited face-to-face classes in 120 schools.”

Nakapaloob sa kani­lang official statement na 100 public schools at 20 private schools na may kabuuang 120 piling mga paaralan, ang papayagan sa face-to-face classes sa susunod na taon.

Sinabi sa official statement na ito na sa minimal risk areas lamang ito ipatutupad, base sa kanilang criteria na ipinadala ng Department of Health (DOH).

Ang mga papayagan daw sa face-to-face classes ay nakapasa sa safety assessment gamit ang school safety assessment tool ng DepEd.

Kung sisilipin po natin ang sinasabi ng DepEd at rekomendasyon ng DOH na tinatawag na minimal risk, ibig sabihin, nariyan pa rin ang panganib sa mga bata ng COVID-19.

Hindi po maiiwasan ang mga bata na mag-usap-usap sila pagdating ng labasan pagkatapos ng klase nila na siyang posibleng pagmumulan ng hawaan ng virus.

Wala pa pong mga menor de edad na suma­ilalim sa COVID-19 vaccines, tapos ngayon gusto n’yo nang payagan silang mag-face to face classes? ­Galing ha!

Maghunos dili kayo, dahil para kayong kumain ng saging na hindi pa hinog.

‘Wag n’yong madaliin sila na mag-face-to-face classes, baka bandang huli ay magsisi kayo.

Kaya maraming nag-react na mga magulang at hindi sila sang-ayon sa plano ng DepEd.

Ayon pa sa kanila, imbes na madaliin ang face-to-face classes ng kanilang mga anak ay bilisan ng ­gobyerno ang pagbabakuna.

Mismo ang DOH na ang nagsabi na kailangan muna magkaroon ng 70% hanggang 80% ng kabuuang populasyon ang mabakunahan bago tayo magkaroon ng “herd immunity”.

Kung nasa 100 milyon ang populasyon ng Pilipinas, kailangan muna mabakunahan ang 70 milyon hanggang 80 milyong mga Pinoy.

Umabot na ba ng 70 milyon hanggang 80 milyon na lahi ni Juan Dela Cruz, ang nabakunahan na?

Kung hindi pa, bakit ninyo itataya ang buhay ng maraming kabataang mag-aaral sa face-to-face classes?

‘Wag n’yong ­gawing “trial and error” ang ­pag-dedesisyon sa face-to-face classes dahil nakataya riyan ay buhay ng mga bata.

Minsan na tayong nabiktima ng “Dengvaxia” vaccines na ang buong pag-aakala ng mga magulang ay makabubuti ito sa kanilang mga anak.

Ito pala ang maglalagay sa alanganin ng buhay ng kanilang mga anak.

Hanggang ngayon ang mga nasa likod nito ay hindi pa naparurusahan.

Maraming mga bata ang namatay sa bakunang ito na hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng hustisya ang kanilang sinapit.

Ngayon ito na naman tayo, muling malalagay sa alanganin ang ating mga anak.

Walang magulang na papayag na manganganib ang buhay ng kanilang mga anak.

Lalo na ngayon na ­patuloy pa rin ang pagtaas ng COVID-19 cases sa ilang mga probinsiya. Limitado kasi ang mga bakunang nakararating sa kanila.

Bilisan n’yo ang inyong pagbabakuna at kapag ­sigurado na kayo na walang katiting na panganib sa mga bata ang COVID-19 ay saka na kayo magpatupad ng face-to-face classes.

‘Wag n’yong madaliin ang face-to-face classes, dahil parang minamadali n’yo rin ang buhay ng mga batang mag-aaral.

Kahit ako man, kung may anak akong elementary at high school ay hindi ako papayag sa face-to-face classes ng DepEd.
Maghinay-hinay po kayo, DepEd at DOH sa inyong ginagawang mga desisyon.

Kayong mga taga-DOH, minsan na kayong pumalpak sa “Dengvaxia” vaccines, ‘wag nyo nang ulitin pa.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o kaya ay mag-text sa cell# 0977-751-18-40.

172

Related posts

Leave a Comment