TRILYONG PISO MAWAWALA SA EKONOMIYA DAHIL SA PAGSASARA NG MGA PAARALAN

NABABAHALA si Senador Win Gatchalian sa tinatawag na “education at economic scars” na maaaring idulot ng pagsasara ng mga paaralan dahil sa pandemya ng COVID-19.

Si Gatchalian ang isa sa mga mambabatas na nagsusulong ng pagsasagawa ng pilot testing ng limited face-to-face classes sa mga low-risk areas.

Ibinahagi ni Gatchalian ang 2020 report ng Asian Development Bank (ADB) kung saan tinatayang nagdulot ng pagkawala ng P1.9 trilyong piso o katumbas ng 10 porsyento ng Gross Domestic Product (GDP) ang pagsasara ng mga paaralan noong School Year 2020-2021.

“Hindi lamang ang mag-aaral ang nakakaranas ng ‘education scarring,’ pati ang ekonomiya natin napipinsala dahil sa productivity losses,” saad ni Gatchalian.

Sinabi naman ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua na nilinaw ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang mga numerong ito sa ADB.

Ayon sa ADB, maaaring mas mataas pa ang halaga ng pinsalang idinulot ng mahigit isang taon na pagsasara ng mga paaralan.

Ayon naman sa NEDA, tinatayang P11 trilyong ang maaaring mawala sa bansa sa susunod na 40 taon dahil sa pagsasara ng mga paaralan.Ibinahagi rin ni Gatchalian ang iba pang mga resulta sa pag-aaral ng ADB.

Para sa mga mag-aaral ng K-12, ang kasalukuyang halaga ng nawalang productivity ay P1.68 trilyong. Kung kalahati naman o 200,000 sa 410,000 mga guro at kawani ng mga pribadong paaralan ang nawalan ng trabaho, ang kawalan ng sahod noong School Year 2020-2021 ay tinatayang aabot sa P16 bilyon.

Dahil may isang nakatatandang kinakailangang umalalay sa mga mag-aaral sa kanilang distance learning, 11 porsyento ng workforce ang kinailangang huminto sa trabaho na nagdulot ng pagkawala ng P225 bilyon sa ekonomiya.

“Naniniwala ako na yung iba nating mga mag-aaral ay hindi na makakabalik sa mga paaralan dahil noong nakaraang taon, may halos dalawang milyong mga mag-aaral ang nag-drop-out, kabilang ang mga mag-aaral sa Alternative Learning System. Ikinakatakot ko na baka hindi bumalik ang mga mga mag-aaral na ‘to sa ating paaralan at mapipinsala nito ang ating workforce,” pahayag ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Dahil naman napabilis ng pandemya ang pagpapalawig sa paggamit ng teknolohiya, binigyang-diin din ni Gatchalian na kinakailangan ang mga programa upang matulungan ang sektor ng pagnenegosyo lalo na ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na maging handa para sa post-COVID economy.

Kabilang sa mga kinakailangang programa aniya ang upskilling ng mga workers. (DANG SAMSON-GARCIA)

224

Related posts

Leave a Comment