HINDI ramdam ng ilang oligarch o mayayamang tao sa bansa ang krisis na nararanasan ng mga ordinaryong mamamayan lalo na nang ipatupad ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law noong 2018.
Hindi naman ito ikinagulat ng mga militanteng mambabatas sa Kamara subalit ang ikinadidismaya ng mga ito ay binabarat ng mga oligarch na ito ang mga manggagawa sa sahod.
Sa report ng IBON Foundation, triple ang itinaas ng yaman ng mga oligarko sa nakaraang 13 taon o mula 2006 hanggang 2019 matapos umakyat sa P3.6 Trillion ang kanilang pinagsama-samang yaman mula sa P748 Billion.
Base sa datos ng IBON, bahagyang bumaba sa P719 Billion ang yaman ng mga oligarch sa Pilipinas noong 2007 at sumadsad muli sa P563 Billion noong 2008 at bahagyang tumaas sa P701 Billion noong 2009.
Subalit pagdating ng 2010, sumargo sa P921 Billion ang yaman ng mga oligarch at tumaas pa lalo noong 2011 dahil umabot na ito sa P1.3 Trillion at tumaas pa sa P1.8 trillion noong 2012.
Lumagpas sa P2.4 Trillion ang yaman ng mga ito sa sumunod na taon at naging P2.8 Trillion noong 2014 at 2015 subalit pagsapit ng 2016 ay naging P3.2 Trillion na ito at nanatili sa ganitong halaga noong 2017.
Nang ipatupad ang TRAIN Law noong 2018 na ininda ng mga ordinaryong Filipino dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo publiko, tumaas pa sa P3.5 Trillion ang yaman ng mga oligarch at naging P3.6 Trillion noong 2019.
Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, nakadidismaya na habang yumayaman ang mga oligarch o malalaking negosyante ay pahirap naman nang pahirap ang mga Filipino. BERNARD TAGUINOD
531 