TSERMAN, 2 PA KRITIKAL SA DYNAMITE FISHING

SAMAR – Naputulan ng braso ang isang barangay chairman at nasa kritikal na kondisyon kasama ng dalawang iba pa matapos masabugan ng dinamita habang nangingisda sa dagat sakop ng bayan ng Zumarraga sa lalawigang ito.

Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Crame mula Eastern Visayas PNP, kinilala ang biktima ng dynamite fishing na sina Chairman Elino

Sobrino, 58-anyos, punong barangay ng Brgy. Maputi; Fernan Hinundayan, 24, at isang lalaking menor de edad na kasama ni Sobrino, sakay ng fishing vessel sa Brgy. Tinaogan.

Sa inisyal na imbestigasyon, ihahagis na sana ni Sobrino sa dagat ang hawak na dinamita ngunit bigla itong sumabog.

Base sa pagsisiyasat, ayon sa Police Regional Office 8, naputol ang mga braso ng naturang kapitan, at sugatan ang buong mukha at katawan.

Si Hinundayan at ang menor de edad ay isinugod sa Samar Provincial Hospital sa Catbalogan City, habang si Sobrino ay dinala sa Eastern Visayas Medical Center sa Tacloban City para lapatan ng lunas.

Ayon sa pulisya, nangingisda ang mga biktima gamit ang likos o fishing net pero gumagamit din sila ng dinamita na ipinagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). JESSE KABEL

176

Related posts

Leave a Comment