COTABATO CITY – Patay on the spot ang isang punong barangay sa lungsod na ito matapos pagbabarilin ng ‘di kilalang mga suspek sa Block 7, Notre Dame Village, Barangay RH-8, nitong siyudad.
Kinilala ang napatay na si Chairman Danny Darping, nasa hustong gulang, punong barangay ng Kalanganan 1 at residente ng nabanggit na lugar.
Batay sa ulat mula sa Cotabato City PNP, abala ang biktima sa paglilinis ng kanyang sasakyan ‘di kalayuan sa kanilang bahay sa Block 7, Notre Dame Village, Barangay RH-8 nang dumating ang mga suspek, pasado alas-7:00 ng umaga noong Huwebes at ito ay pinagbabaril.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga suspek sa ‘di natukoy na direksyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis upang mabatid kung sino ang mga suspek at kung ano ang posibleng motibo ng pamamaril sa opisyal. (BONG PAULO)
