IBINABALA ni Senadora Imee Marcos na posibleng lumala ang kakulangan sa suplay ng tubig sa susunod na buwan habang may pandemyang COVID-19, bunsod ng patuloy na pagbaba ng tubig sa Angat Dam sa kabila ng pag-ulan.
Sa pahayag, sinabi ni Marcos na patuloy ang pagbaba ng water level sa Angat Dam – ang pangunahing nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila – mula sa halos 200 meters simula nag-lockdown noong Marso ay pumalo sa mas mababang 186 meters nitong Martes, July 14.
“Tumaas ang demand sa paggamit ng tubig para sa pesonal hygiene pati public sanitation bunsod ng pandemyang COVID-19 kaya hindi rin sumasapat ang tubig ulan na pamalit sana sa Angat,” ani Marcos.
Ang kasalukuyang water level nito ay halos 20 meters na mas mababa kesa sa normal na operating level na 205 meters at halos masaid pa dahil 6 meters na lang bago ang minimum operating level na 180 meters.
“Baka umabot na tayo sa critical level na 160 meters pagpasok ng Oktubre, kung magpapatuloy ito. Alangan naman itigil ang paghuhugas ng kamay pati paglilinis ng paligid?” tanong ni Marcos.
Isinisi ni Marcos ang problema sa seguridad ng tubig sa kabiguan ng Manila Water at Maynilad na gampanan ang kanilang obligasyon sa publiko base sa 1997 water concession contract na kanilang nilagdaan sa gobyerno.
“Ang pagtatapos ng buwan ng Hunyo ay simbolo rin ng halos 20th anibersaryo ng kapalpakan ng Manila Water at Maynilad na tugunan ang pangakong magbigay ng 24-oras na suplay ng malinis na inuming tubig sa Metro Manila at mga karatig-lungsod sa Cavite at Rizal,” ani Marcos.
Mismong ang Korte Suprema ang nagpahayag na lumabag ang nasabing water concessionares sa Philippine Clean Water Act of 2004 dahil bigong tugunan ang pagtatayo ng mga waste water treatment system sa kanilang mga lugar, limang taon matapos itong maisabatas, dagdag ni Marcos. (ESTONG REYES)
