(BERNARD TAGUINOD)
SIMPLE at tradisyunal pa rin ang inaasahang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ngayong hapon sa Batasan Pambansa.
Ani House Secretary general Mark Llandro Mendoza, kabilin-bilinan ng Pangulo na huwag gawing bongga ang SONA bagkus ay nais nito na maging simple at traditional ang pagtitipon kung saan ihahayag ni Marcos ang kanyang mga plano sa bansa sa kanyang anim na taong administrasyon.
“Malacañang wants the event to be simple, more of a very traditional SONA. The President wants it to be simple, not much glamor, just a simple affair,” ayon kay Mendoza.
Nakagawian na tuwing SONA na nagpapabonggahan ang mga mambabatas at mga bisita ng kanilang damit na gawa pa ng mga kilalang designer.
Ngunit sa SONA ngayong araw ni PBBM ay inaasahang magiging ‘low key’ ang mga dadalo dahil na rin sa paalala ng Pangulo.
Bawal din umano ang mga damit na may political message na karaniwang ginagamit ng mga militanteng mambabatas base sa advisory ng Kamara.
Ayon kay Mendoza, 3,600 ang inimbitahan para saksihan nang personal ang unang SONA ni Marcos subalit habang isinusulat ito ay hindi pa makapagbigay na datos ang opisyal kung ilan ang nagkumpirma na dadalo.
Noong Miyerkoles ay umaabot na umano sa 80% sa mga imbitado ang nagkumpirma ng kanilang attendance.
Kabilang sa mga inimbitahan ang diplomatic corps, mga kasalukuyang opisyal ng gobyerno, governors sa iba’t ibang lalawigan at mga dating Pangulo ng bansa.
Kanya-kanyang
hirit kay PBBM
Kanya-kanyang hirit ang ilang mambabatas kay Pangulong Marcos Jr. sa lalamanin ng kanyang unang SONA ngayong araw.
Ayon kay Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, nais nitong mangako si Marcos sa kanyang SONA na dagdagan ng P286 billion ang budget allocation sa Mindanao sa susunod na taon.
“We request President Marcos to include this commitment in his first State of the Nation Address,” ani Rodriguez, na kapag inaprubahan ng Pangulo ay magiging P936 billion ang pondo ng Mindanao region.
Humirit naman si Basilan Rep. Mujiv Hataman na huwag sanang kalimutan ni Marcos ang Marawi na hanggang ngayon ay hindi pa tuluyang nakababangon mula noong 2018 dahil sa giyera sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at mga teroristang Abu Sayyaf Group at Maute group.
Nais naman ni BH party-list Rep. Bernadette Herrera ang plano ni Marcos sa pagbabangon sa ekonomiya ng bansa na labis na naapektuhan sa pandemya sa COVID-19 mula 2020.
Usapin sa agrikultura at katatagan ng supply ng pagkain ang nais ni Biñan City Rep. Marlyn Alonte na marinig kay Marcos na tumatayo ring secretary ng Department of Agriculture (DA).
“There must be better ways to assure stable food supplies, make food prices affordable, and put in place ways to ensure transparency in market prices, trading, and imports” ani Alonte.
Ito rin ang isa sa mga inaabangan ng mga militanteng mambabatas bukod sa pagsiguro na ipatitigil na ng Pangulo sa security forces ang pag-atake sa kanilang mga organisasyon, kalidad na edukasyon, job creation at iba pa.
Samantala, inaasahan ding pormal na iluluklok ngayong umaga bilang House Speaker si Leyte Rep. Martin Romualdez kasama ang ibang lider ng mababang kapulungan ng Kongreso sa pagbubukas ng 19th Congress.
Bago ang SONA ni Pangulong Marcos Jr., na gaganapin alas-tres ng hapon sa Batasan Pambansa, magko-convene ngayong umaga ang Kamara para buksan ang 19th Congress kung saan ihahahal ang mga pangunahing lider ng kapulungan.
Bagama’t matunog na sa Speakership si Romualdez, kailangan pa rin itong i-nominate sa nasabing posisyon at iboto ng mga miyembro ng 19th Congress bago iproklama.
‘Made in Malacañang’ policies
Umaasa naman si Senador Chiz Escudero na ilalatag ni Pangulong Marcos Jr. ang detalyado niyang “Made in Malacanang” policies at proposals para lunasan ang problema sa ekonomiya ng bansa.
Iginiit ni Escudero na dapat gamitin ng Pangulo ang SONA upang mabigyan din ng hudyat ang lahat para sa agarang pagkilos dahil nangangailangan ang tao ng agarang solusyon.
Ipinaalala ng senador na ang speech ng Pangulo ay hindi lamang oratorical piece at sa halip ay mga listahan ng mga dapat gawin.
Sinabi ni Escudero na kabilang sa nais marinig ng tao sa Pangulo ang kanyang mga plano sa iba’t ibang socio-economic issues tulad ng tumataas na presyo ng pagkain at produktong petrolyo, mababang sahod at unemployment, paglaban sa kahirapan at economic recovery.
Ipinaliwanag ng senador na hindi naman umaasa ang tao sa isang iglap ay maglalaho ang kanilang mga problema at kailangan lang ay maibsan ang kanilang nararanasang dagok.
Inaasahan din ni Escudero na agad nang maisusumite sa Kongreso ang proposed P5.2-trillion 2023 national budget upang agad na itong mabusisi ng mga mambabatas.
10-point agenda
ng DND
Sa panig naman ng Department of National Defense at maging ng Armed Forces of the Philippines, kanilang aantabayanan kung mababanggit ni PBBM ang kanilang inilatag na 10 points agenda na sadyang inakma sa mga programa ng bagong administrasyon.
Ayon kay DND Officer in Charge Senior Undersecretary Jose C. Faustino, hindi lamang tungkol sa peace and order, pagtapos sa insurgency at maritime security ang binalangkas na 10 points agenda ng Defense Department dahil sumusuporta ito sa isinusulong na food security, economic security at human security ng bansa.
Mariing ipinahayag ni Defense OIC Faustino na buong-buo ang suporta ng kagawaran at ng buong AFP sa mga programa ni PBBM sa Department of Agriculture, kabilang ang pagsugpo sa agricultural smuggling. (May dagdag na ulat sina DANG SAMSON-GARCIA at JESSE KABEL)
248 