ZAMBALES – Patay ang isang hinihinalang drug pusher makaraang manlaban sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ni P/Col. Romano V. Cardiño, provincial director ng Zambales PPO, noong Abril 1 sa bayan ng San Marcelino sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat, dakong alas-4:10 ng madaling araw, nagkasa ang mga awtoridad, sa pangunguna ni P/Maj. Janice Pica, chief of police ng Marcelino MPS, ng buy-bust operation sa Brgy. San Guillermo, San Marcelino, Zambales, base sa impormasyon mula sa isang confidential agent hinggil sa bentahan ng ilegal na droga sa lugar.
Kasama sa nasabing operasyon ang mga operatiba ng PIU/PDEU ZPPO, SDEU ng San Marcelino MPS, at 2nd PMFC ZPPO at target sa misyon ang hinihinalang tulak ng ilegal na droga na si Richard Sparling alyas “Sparks” na deklaradong “armed and dangerous drug personality” dahil sa pagkakasangkot sa serye ng illegal drug transactions sa erya ng nabanggit na lalawigan.
Sa ikinasang buy-bust operation ay nagkasundo ang poseur buyer at ang suspek sa bilihan ng P1,000 halaga ng umano’y shabu sa nabanggit na lugar.
Habang binubuksan ng suspek ang sobre kung saan naroroon ang P1,000 na bayad sa shabu ay sumulpot ang mga awtoridad para ito ay dakpin.
Gayunman, mabilis na nagpaputok ng baril ang suspek kaya napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok na ikinamatay nito habang mabilis namang tumakas ang kasabwat nito lulan ng motorsiklo.
216 