NABINGWIT ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Baseco Station 13 ng Manila Police District, ang isang 55-anyos na lalaki sa ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation sa Block 9 Tambacan, Baseco Compound, Port Area Manila noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang suspek na si “Taib” alyas “Ama”, tubong Cotabato City at naninirahan sa naturang lugar.
Ayon sa ulat ni Police Lieutenant Mark Jason Ramos, hepe ng SDEU, sa ilalim ng pangangasiwa ni Police Lieutenant Colonel Rommel Anicete, station commander, bandang alas-11:30 ng gabi nang isagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa nasabing suspek.
Nabatid mula kay Police Master Sergeant Voltair Solo Yap, nakumpiska mula sa suspek ang 11 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P74,800.00 ang street value.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(RENE CRISOSTOMO)
