TULAD ng ginawa ni dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez, nais ni Senate Blue Ribbon Vice-Chairman Erwin Tulfo na ituro na rin ng contractor na si Curlee Discaya at District Engineer Henry Alcantara sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga kasabwat nila na matataas na opisyal sa pamahalaan.
“Si Brice nagbigay na raw ng mga sensitibong impormasyon sa ICI ani Mayor Magalong, so dapat gayahin na rin nina Discaya at Alcantara ito,” ayon kay Sen. Tulfo sa isang panayam.
Aniya, “Kung natatakot silang kumanta sa Blue Ribbon, e di sa ICI na lang dahil strictly confidential ang kanilang magiging pahayag doon pero under oath pa rin siyempre”.
Ang ICI ay itinatag ni Pangulong Marcos Jr. kamakailan para mag-imbestiga sa malawakang korupsyon sa mga imprastraktura ng bansa partikular sa flood control.
Layon ng ICI na matukoy kung sino-sino ang mga nagsabwatan para ibulsa ang daan-daang bilyong pondo sa flood control at makasuhan ang mga ito sa korte.
Nangako ang Pangulo na walang sisinuhin ang ICI na kasuhan kahit na kaibigan, kamag-anak o kaalyado pa niya.
Umaasa si Tulfo na madaliin na rin ng ICI ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga sangkot dahil marami na ring ebidensya ang naglabasan kabilang na sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee.
“Let’s wait and see na lang sa resulta ng imbestigasyon ng ICI kung sino-sino ang makakasuhan sa korapsyon sa flood control tutal halos may ideya na rin ang taumbayan kung sino ang mga matataas na opisyal na nasa likod nito,” ayon pa sa Senador.
