PINASALAMATAN ni Senate Committee Chairman on Social Justice, Welfare, and Rural Development Erwin Tulfo si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian sa utos nitong ibigay na muna ang mga pagkain at tubig sa mga biktima ng lindol doon bago sila isalang sa mga interbyu at paper works bilang requirement sa pagbibigay ng ayuda.
Sa pagdalaw ni Sen. Tulfo, at iba pang kasamahan sa Senado tulad nina Senador Bong Go, Raffy Tulfo, at Jinggoy Estrada sa Bogo City, Cebu dalawang araw matapos ang lindol, narinig ng Senador sa ilang biktima doon na hindi pa sila nakatatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
“Agad kong pinuntahan ang DSWD relief operations head sa lugar para iparating ang problema ng mga tao,” ani Tulfo. “Ganun din ang pakiusap sa atin ng mga mayor — kung maaari ay bilisan ang pagbibigay ng pagkain at tubig sa mga tao.”
Ibinahagi rin ng senador na personal niyang nakita ang mga nakatambak na food packs sa likod ng Bogo City Hall na hindi pa naipapamahagi dahil kailangan pa umanong interbyuhin ang mga benepisyaryo.
“Iba kasi ang lindol sa bagyo. Sa bagyo, takbo ka lang sa evacuation center at mabibigyan ka na agad ng pagkain. Pero sa lindol, walang pumupunta sa evacuation center dahil takot pa rin ang mga tao sa aftershocks,” paliwanag ni Tulfo.
Matapos marinig ang mga hinaing ng mga alkalde, agad naglabas ng direktiba si Sec. Gatchalian sa pamamagitan ni DSWD Undersecretary for Disaster Response Dian Cajipe na ipamahagi kaagad ang mga food packs at tubig sa mga residente na nasa listahan ng local government units (LGU) at nakapila para sa ayuda.
