Tulfo sa imbestigasyon sa flood control INDEPENDENT BODY PARA IWAS-WHITEWASH

PABOR si Senate Blue Ribbon Committee Vice Chairman Senator Erwin Tulfo na isang independent investigative body ang mag-imbestiga sa mga anomalya sa flood control projects at magsampa ng kaso laban sa mga sangkot.

Sa isang panayam, sinabi ni Sen. Tulfo, “I think that that is the right thing to do—isang independent group composed of the church, academe, representatives from the youth, retired justices, at iba pang dapat na maging bahagi nito.”

“Hindi naman maaalis yung duda ng mga kababayan natin na baka ma-whitewash lang ang imbestigasyon kung Kongreso at Senado ang hahahawak, dahil may ilang mambabatas mismo ang nakikinitang sabit sa anomalyang ito,” ayon pa kay Tulfo.

Dagdag pa niya: “Paano mo papupuntahin sa Blue Ribbon Committee Hearing ang mga kapwa mo mambabatas eh pwede nilang sabihin na may ‘inter-parliamentary courtesy’?”

Duda si Sen. Erwin Tulfo, kung walang independent body, tanging mga kontratista at opisyales ng Department of Public Works and Highways lang ang sisipot at magigisa sa mga hearing ng Blue Ribbon.

Para sa Senador, ang independent body ang dapat mag-imbestiga kung sino-sino ang sangkot at sino ang mga dapat kasuhan ng Plunder, Graft, Bribery, at kung ano pa ang karampatang parusa, lalo na kung mambabatas o public official ang mastermind ng modus.

Matatandaang pinalutang na rin ni Tulfo ang suhestyon na magkaroon ng real time independent third-party inspection ng government projects, lalo na ang mga hinihinalang substandard at “ghost” projects, noong interpelasyon niya kay Sen. Ping Lacson sa isang Senate Session.

“Nakikiisa ako sa paggawa ng independent investigative body para sa mga anomalya sa flood control projects dahil isa ito sa paraan na pwede tayong makakuha ng honest-to-goodness results,” sabi ni Tulfo.

Giit niya: “So, what the Senate must do is to conduct an investigation para malaman bakit nangyari ang sabwatan. Paano nagawa ang pagnanakaw? At ano ang dapat na gawin ng pamahalaan lalo na pagdating sa polisiya para masigurong di na mauulit ito.”

Paliwanag ng Senador mula Palawan, ang findings ng Senate Blue Ribbon Investigation ang magiging basehan ng batas upang maiwasan ang ganitong panloloko at pagnanakaw ng pera ng taumbayan sa hinaharap.

115

Related posts

Leave a Comment