Tuloy ang paghahanda ni Eumir Marcial sa Wild Card Gym

KALIMUTAN na natin pansamantala na pabalikin sa Pilipinas si Tokyo Olympian Eumir Marcial para samahan ang pambansang koponan ng boksing na naghahanda sa XXXII Games of the Olympiad at 31st Southeast Asian Games na parehong gaganapin ngayong taon.

Ito ang ipinahiwatig kapwa nina Marcial at ­pangulo ng MP (Manny Pacquiao) Promotions na si Sean Gibbons sa kanilang pakikipagpupulong kina Association of Boxing Alliances president Rick Vargas at iba pang opisyal ng ABAP noong nakaraang linggo.

Tukoy ng dalawa ang paulit-ulit na paanyaya ng ABAP kay Marcial na iwanan ang kanyang nasimulan nang paghahanda sa kambal na kompetisyong pang-internasyonal sa Wild Card Gym ni Freddie Roach sa Los Angeles upang muling makapiling ang pambansang koponan sa hiwalay na pagsasanay nito.

Siniguro ni Gibbons sa virtual miting, na dinaluhan din nina ABAP executive secretary Ed Picson at sports psychologist Marcus Manalo, nakapokus ang isipan ni Marcial sa iisang layunin – ang manalo ng kauna-unahang Olympic gold medal para sa bansa sa Tokyo.

“We’re getting Eumir ready to win the Olympic gold,” paniniguro ni Gibbons. “We could’ve done three pro fights for Eumir in L. A. but that wasn’t the direction. With Freddie (Roach) and coach Pepe (Reilly), Eumir is learning tactics and moves that he can use in Tokyo.”

Gaya ng pagkukunwaring nahihilo, paghakbang ng patalikod, paghahandang umatake, at iba pang kilos para lituhin ang kalaban, panatilihing nakatago ang baba, mahigpit na depensa, iwasang magbitiw ng ligaw na suntok.

“Boxing is boxing. We’re exposing Eumir to fighters with lots of amateur experience, guys from Kazakhstan, Armenia, Eastern Europe, Mexico and the US who fight like the guys from Ukraine and Russia he’ll face in Tokyo. We’re also putting him against veterans so he toughens up. He runs twice a week at Griffith Park and is in Wild Card every day, ” anang pangulo ng MP Promotions.

Tiniyak naman ni Marcial na hindi nawawala at katunayan ay nadagdagan pa ang determinasyon niyang maging 100 porsiyentong kondisyon pagdating sa Tokyo Games.

“Sobra po ang ganda ng sparring ko sa Wild Card,” wika ni Marcial sa SAKSI NGAYON sa panayam sa telepono noong Biyernes. “Noong October, kung natatandaan ninyo, namatay ang kapatid ko sa atin pero tiniis kong ‘di bumalik” aniya.

“Tama ang naging desisyon kong magpunta dito sa L.A. Noong January, dalawang beses ipinasok sa ospital ang tatay ko. ‘Di rin ako umuwi sa panghihinayang kong mawalang muli ang ­napakinabangan ko sa ensayo sa Wild Card camp. Kung umuwi ako, sayang ang mga araw na ­gugugulin ko sa biyahe at quarantine,” dugtong ni Eumir.

“Tuloy-tuloy po ang ensayo at sparring. Dami kong natututunan sa sparmates, kay coach Freddie at coach Pepe, silang lahat, kasama ng training team sa Wild Card, ang nagtutulak sa akin.”

Sinabi rin ni Gibbons sa pulong na sana ay pagbigyan ng ABAP ang hiling ng boksingero na ipadala sa L. A. and isang coach na Pilipino.

“Eumir prefers an ABAP coach to be with him 24/7 at this stage.”

Sinabi rin kapwa nina Gibbons at Marcial na magpapatuloy ang preparasyon ng Pinoy boxer sa ilalim ng pamamahala ni Roach hanggang sa mga susunod pang anim na linggo, at marahil baka sumama na siya sa kanyang teammates sa Mayo hanggang sa Olympics.

Ito ay kung hindi magkakaroon ng masamang epekto sa mga benepisyong nakamtan na ni Eumir mula kay coach Freddie at mga kasamang sina conditioning guru Justin Fortune at ang Pilipinong katulong ni Roach sa Wild Card, si Marvin Somodio.

178

Related posts

Leave a Comment