TULOY PA RIN ANG PANAWAGAN SA PHILHEALTH  

AKO OFW

MISTULANG natabunan ang usapin sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng ibang isyu kabilang nga ang pagsasara ng National ­Telecomunications Commission (NTC) sa istasyon ng ABS-CBN dahil sa kawalan nito ng prangkisa.

Kasunod nito ay ang sunod-sunod na mga ­iresponsableng ‘social media post’ kung saan ay pinagbabantaan ang buhay ng ating Pangulong ­Rodrigo Duterte ngunit dahil sa mabilis na pag-askyon  ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) upang agarang mahuli ang mga tao na nasa likod nito, ay unti-unting humuhupa ang usapin.

Kaya naman marahil ay naisipan ng isang prominenteng Filipino community leader sa Qatar na si Joseph Rivera na pamunuan ang isang istratehiya upang muling pukawin ang kaisipan ng mga OFW ukol sa usapin na may kinalaman sa PhilHealth.

Pinasimulan ni G.Rivera ang pagpapakalat ng isang manifesto upang manawagan sa Kongreso na muling busisiin ang batas at Implementing Rules and Regulations (IRR) ng PhilHealth na may kinalaman sa pagtataas ng premium ng OFW at paniningil ng penalty sakaling hindi mabayaran sa takdang panahon.

Ang nasabing manifesto na may titulo na “Opposition to the Implementing Rules & Regulations (IRR) of Republic Act 11223 known as the Universal Healthcare Act concerning membership contributions/premiums of overseas Filipino ­workers (OFWs) and petitioning ­senators and members of the House of Representatives for the necessary amendment of the aforementioned law as required.”

Tinutukoy sa ­manipestong ito ang tila kakulangan ng ­konsultasyon sa sektor ng mga OFW noong panahong pinag-uusapan sa Kongreso at Senado ang batas na ito. Gayundin ang konsultasyon ng Department of Health (DOH) at PhilHealth noong ginagawa ang IRR.

Tinututulan din nito ang labis na pagtaas nang babayarang premium ng isang OFW na umaabot sa halagang P21,000 kada taon kung halimbawa na ang isang OFW ay kumita ng buwanang sweldo na aabot sa P60,000. Gayundin ang labis na pagtututol nito sa pagpapataw ng 1.5% na interest o penalty sakaling hindi makabayad sa takdang panahon ang isang OFW.

Dahil dito, muling nanawagan ang mga OFW na amyendahan ang ‘Universal Health Care Act’ lalo at higit ang mga sumusunod: a) Chapter III, Section 9, Paragraph 2 na nagsasaad nang paninigil ng 1.5% interes sa mga napasong ­pagbabayad, b) Chapter III, Section 10 na nagsasaad ng pagtaas ng premium. Minumungkahi nito na gawin na lamang na fixed rate katulad ng halaga bago isinagawa ang batas na kung dagdagan man ay hindi dapat lumabis sa P4,000 kada taon.

Marami pa ang ­kahilingan na dapat amyendahan, ngunit ang higit na dapat bigyan ng pansin ay ang pagtatalaga ng kinatawan ng OFW sector sa ­PhilHealth Board upang masiguro na may boses ang mga OFW sa tuwing may usapin ukol  sa kapakanan nila.

Sa nakaraang Webinar (meeting) na ating pinamunuan kasama ang ­ ­leaders sa buong mundo, personal na siniguro ni POEA Administrator Bernard Olalia na hindi maa­aring itali ng PhilHealth ang paniningil upang makakuha ng Overseas Employment Certificate kaya ­muling nabunutan ng tinik sa kanilang dibdib ang OFW ­leaders.

Gayunpaman, dapat na muling magsama-sama ang OFW Leaders upang pagtulungan na maipakalat ang manipesto na iniakda ni Rivera upang tumibay ang panawagan ng mga OFW sa Kongreso at kay Pangulong Rodrigo Duterte.

 

321

Related posts

Leave a Comment