MARAMI akong natatanggap na mensahe sa aking inbox na nagpapasalamat sa serbisyong ibinibigay ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) lalo na sa libreng pagpapauwi ng kani-kanilang pamilya na nasa ibang bansa na naapektuhan o nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Nitong Nobyembre 29 ay 66 distressed OFW at 15 na may mga karamdaman ang napabilang sa mga natulungang makauwi sa pamamagitan ng chartered Flight ng OWWA sa tulong ni Welfare Officer Atty Llewelyn Perez .
Hindi nagtatapos sa pagbibigay ng libreng ticket sa eroplano ang serbisyo ng OWWA, bagkus, maging sa kanilang pagdating at pagsakay sa ambulansya patungo sa mga klinika o ospital, libreng hotel accommodation, pagkain at transportasyon, libreng swab test ay inaako lahat ng OWWA bilang bahagi ng pagseserbisyo nito na may pagmamalasakit.
Ika nga sa slogan ng OWWA ay OWWA Cares.
Kaya naman aking pinagkakapuri ang mga tauhan ng OWWA na patuloy na nagbibigay ng pagmamalasakit sa ating mga kabayani na ibig ng makauwi sa Pilipinas.
Samantala, hindi lahat ng mga OFW ay nabibigyan ng pagkakataon na maging madali ang pag-uwi sa Pilipinas. Isa na rito si OFW Linna Ahari na mula sa Jolo, Sulu.
Limang taon na ang nakalilipas noong siya ay nagtungo sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng isang ahensya. Simula noong siya ay nakarating sa kanyang employer ay ni minsan ay hindi siya binigyan ng pagkakataon na makapagbaksyon man lamang sa Pilipinas.
Labis-labis na ang kanyang lungkot at pananabik na makapiling ang kanyang pamilya sa Jolo, Sulo, ngunit patuloy pa rin nagmamatigas ang kanyang employer na huwag siyang payagan na makauwi sa Pilipinas.
Iniinda na ni OFW Linna Ahari ang kanyang kalusugan dahil siya ay naoperahan na kung kaya pakiramdam nya ay mabilis na siya hingalin at mapagod.
Nagkaroon na rin siya ng problema sa pagtaas ng kanyang presyon ng dugo (high blood) kung kaya talagang labis na ang kanyang pakiusap na siya ay makauwi na sa Pilipinas.
Gayundin, nakarating sa akin ang paghingi ng tulong ni Reynalie De Guzman Cuaros. Siya ay nakarating sa Riyadh Saudi Arabia noong Pebrero 27, 2020 sa pamamagitan ng Tiffany International Services Inc.
Bukod sa sobrang pagod sa pagtatrabaho, ay isinusumbong din niya ang pangtatangka sa kanya ng kanyang employer para siya ay gahasain na dahilan ng kanyang labis-labis na takot.
Kung kaya siya ay nagmamakaawa na matulungan na maialis o masaklolohan mula sa kanyang mapangahas na employer.
Ang AKO OFW ay nakiki-usap sa mga ahensya na nabanggit na kanilang subaybayan at tulungan ang kanilang mga dine-deploy na kasambahay sa ibang bansa.
Gayundin ang panawagan sa maagap na pagkilos ng ating mga POLO-OWWA Officers sa Riyadh, Saudi Arabia.
oOo
Ang AKO OFW ay patuloy na nanawagan sa sinumang may mabubuting kalooban na ibig magpa-abot ng tulong pinansiyal para maipambili ng bigas, de lata at mga noodles para sa mga taga Rizal at Cagayan Valley.
Maaring magpadala sa pamamagitan ng GCASH sa telepono 0956 846 7849 na may account name na Celerino U.
