Tumalon sa Malabon creek LASING NA JEEPNEY DRIVER BANGKAY NA LUMUTANG

BANGKAY na nang matagpuan ang isang 26-anyos na jeepney driver makaraang tumalon sa isang creek sa Malabon City nitong Biyernes ng madaling araw.

Ayon kay Malabon Police chief, P/Col. Albert Barot, nadiskubre ang bangkay ng biktimang si Jay Paul Maniego, residente ng #29 Bisig ng Nayon, Brgy. Sangandaan, Caloocan City, ni Erlinda Teorica, 70, dakong alas-6:40 ng umaga habang nakalutang sa Tugatog Creek sa P. Concepcion St.

Bunsod nito, nagtulong-tulong ang mga kapitbahay na maiahon ang bangkay ng biktima.

Sa isinagawang imbestigasyon nina P/SSgt. Jeric Tindugan at P/SSgt. Jose Romeo Germinal II, habang lasing ang biktima ay nakita ito ng mga saksi na tumalon sa Tugatog creek sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan dakong alas-3:30 ng madaling araw.

Ipinaalam ng kapitbahay ng biktima na si Justine Lebandena, 18, ang insidente sa kanyang pamilya na agad namang humingi ng tulong sa mga awtoridad.

Mabilis na nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng coast guard at Malabon Rescue Team ngunit hindi natagpuan ang biktima dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan.

Pagkaraan ay natagpuan ang bangkay ng biktima habang nakalutang sa nasabing creek.

Tumanggi ang pamilya ni Maniego na paimbestigahan ang insidente dahil naniniwala silang nalunod ang biktima at walang nangyaring foul play sa pagkamatay nito. (FRANCIS SORIANO)

141

Related posts

Leave a Comment