PAGSIBAK sa serbisyo ang naging rekomendasyon ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) sa anim na kasapi ng Caloocan Police na sinasabing tumangay ng P14,000 cash ng isang tindero noong Marso, iniulat nitong Biyernes.
Nabatid kay IAS chief, Atty. Alfegar Triambulo, ang nasabing rekomendasyon ay ipinadala na noong Martes sa Directorate for Personnel and Records Management-Discipline, Law, and Order Division.
Ang mga dawit na pulis ay sina Police Corporals Noel Espejo Sison, Rommel Toribio, Ryan Sammy Gomez Mateo, Jake Barcenilla Rosima, Mark Christian Abarca Cabanilla, at Daryl Calija Sablay ng Caloocan City Police Drug Enforcement Unit.
Inihayag ni Triambulo na guilty sa grave misconduct ang mga pulis matapos gipitin ang tinderong si Eddie Yuson at kunin ang kanyang pera batay sa footage mula sa closed-circuit television (CCTV) camera, at hindi rin umano nagpaliwanag ang nasabing mga pulis hinggil sa ginawa sa tindero.
Umamin ang mga pulis na nasaktan nila ang biktima subalit itinangging ninakawan ito, at sinabing hiningi lamang nila ang ID ng biktima nang mamataan itong gumagala sa lugar kung saan may isinasagawang anti-illegal drug operation.
Magugunitang kinuha umano ng naturang mga pulis ang P14,000 ni Yuson na cash aid mula sa gobyerno, nang bumibili siya ng pagkain para sa mga anak. Bukod sa kasong administratibo, kinasuhan din ni Yuson ng robbery ang mga parak.
Kung aaprubahan ni PNP officer-in-charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr. ang rekomendasyon ng IAS, wala nang benepisyong makukuha ang anim na pulis at bawal na ring manungkulan sa pamahalaan. (ALAIN AJERO)
