TUMIRIK NA SOKOR PASSENGER VESSEL, SINAGIP NG PH NAVY

ISANG passenger vessel ng South Korea ang sinagip ng Philippine Navy na naka-detail sa AFP Northern Luzon Command, noong Miyerkoles ng hapon sa Ilocos Norte.

Ayon sa ulat na ibinahagi ng NOLCOM, matapos makatanggap ng distress call ay agad naglayag ang Navy BRP Nestor Reinoso (Patrol Craft 380) na nasa ilalim ng Naval Forces Northern Luzon, Naval Task Force 11, para hanapin ang UDOSARANG 1, isang South Korean passenger vessel.

Nagpadala ng emergency alert ang UDOSARANG 1 nang maramdaman nito ang mechanical malfunction habang naglalayag sa dagat sakop ng Burgos, Ilocos Norte, bandang alas-9:00 ng umaga noong Miyerkoles Pebrero 05, 2025.

Agad naman itong na-monitor ng Maritime Situation Awareness Center – North (MSAC-N) at Naval Monitoring Detachment Pasuquin (NMD Pasuquin).

Nahihirapan na umano ang barko ng South Korea na makapagmaniobra kaya mabilis na kumilos ang NOLCOM Naval Forces Northern Luzon para hanapin ito.

Nang magkaroon ng ugnayan ang dalawang sasakyang dagat ay inihatid ng Navy PC380 ang UDOSARANG 1 sa Sual, Pangasinan, para ayusin ang sira ng barko.

Nabatid na may siyam na tripulanteng Pilipino ang nasabing vessel na pawang ligtas naman. (JESSE KABEL RUIZ)

7

Related posts

Leave a Comment